Proud Makatizen sa COP28, Dubai!
Hello Proud Makatizens! Nandito po ang inyong lingkod sa Dubai, United Arab Emirates para sa Conference of the Parties (COP28) na tinagurian ding 28th United Nations Climate Change Conference.
Bilang miyembro ng COP28 Advisory Committee, naimbitahan akong makibahagi sa high-level panel discussions at plenaries na ginaganap mula November 30 hanggang December 9. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong mailahad ang challenges na kinakaharap ng mga maliliit at developing cities pagdating sa pagkuha ng pondo para sa climate change initiatives.
Nakaka-proud na mapabilang ako sa all-female leaders mula sa iba’t ibang cities sa mundo sa panel discussion na tumalakay sa mga kinakailangang reporma sa mandato at operating models ng Multilateral Development Banks (MDBs).
Ang aking pangunahing rekomendasyon ay maging “banks for cities” ang MDBs. Panahon na para bigyan ng MDBs ng kaukulang pansin ang mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan, at hindi lamang nakatutok sa national governments. Mas makakausad ang local climate action kung ang MDBs tulad ng World Bank ay maglalaan ng climate investment programs na tutugon sa needs ng mga syudad at bayan, tulad ng kakulangan sa pondo at technical expertise.
Maraming small-scale projects, na hindi naman kailangan ng bilyun-bilyong pondo, ang puwedeng pondohan ng MDBs. Bukod sa mas mababang financial risk exposure sa kanila, mas maraming lokalidad ang matutulungan nilang maging matatag at maunlad sa kabila ng mga epekto ng climate change.
Isa pa, mas makabubuti kung ang pondo ay ibibigay sa local currency ng bansa, lalo pa’t mabilis tumaas ang foreign exchange rate. Sa nakaraang ilang buwan nga’y tumaas ang U.S. Dollar, mula sa P45 ay naging P56 na ngayon. Dahil mapapababa ng hakbang na ito ang financial risk at burden ng mga lokal na pamahalaan, mas magiging kumpiyansa sila sa pagsusulong ng climate initiatives.
Ang mga maliliit na steps na ganito ay malaki ang magagawang tulong sa isyu ng climate funding. At ito naman talaga ang dahilan kung bakit ako nandito sa COP28: para maging boses at tulay ng mga maliliit na lungsod para marinig ng isang global audience.
Marami pa akong naka-line up na mga panel discussion at meeting dito sa Dubai. Mayroong Global Covenant of Mayors Board Meeting at isa pang discussion tungkol sa mga successful efforts at programs ng Makati pagdating sa disaster and climate risk reduction.
Ang DRRM initiatives ay critical na bahagi ng ating climate action plan. Isa ito sa mga una nating pinagbuhusan ng oras at pinagplanuhang mabuti sa Makati. And it shows. Malayo-layo na rin ang ating narating.
Sa katunayan, nakatanggap na naman ang Makati ng pinakamataas na rating mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa katatapos na nationwide assessment ng local DRRM councils at offices.
Ito na ang ikalawang sunod na taon na nakuha natin ang beyond compliant rating sa Gawad KALASAG (Kalamidad at Sakuna Labanan, Sariling Galing ang Kaligtasan) Seal at Special Awards na pinamumunuan ng NDRRMC.
Gusto ko lang magpasalamat sa NDRRMC dahil sa pagkilala nito sa mga pagsusumikap ng ating pamahalaang lungsod na panatilihing ligtas ang Makatizens sa lahat ng oras.
Sa pagdalaw ng regional validation team ng NDRRMC sa ating command control and communications (C3) center, namangha sila sa ating ICT-driven operations center na may data analytics, automated incident report generation, at SOS function na naka-link sa Makatizen App, ang unang digital citizen app ng bansa.
Ipinagmamalaki rin natin ang makabagong Early Warning System ng Makati. Kasama rito ang automated weather stations, automatic rain gauges, at earthquake recording instruments. Suportado ng sistema ang efficient at reliable risk detection, analysis at dissemination upang maagang makapagbigay ng babala sa anumang hazard.
Natanggap din ng Makati kamakailan ang NCR Resilience Champion Award mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Talagang inspiring ang mga ganitong pagkilala, at laging handa ang Makati na ibahagi sa mga kapwa lungsod sa bansa at abroad ang ating mga naging karanasan sa pagtugon at paghahanda sa mga hamon ng climate change.
- Latest