Mabuti ang peace talks sa mga rebelde tulad ng CPP/NPA kung may kinahihinatnang mabuti. Ngunit kung wala at nagagamit lang ng mga rebelde para itaas ang kanilang sarili, itigil na sana ito ng pamahalaan. Aksaya lang ito ng pondo na puwedeng gamitin sa mga mas kapaki-pakinabang na proyekto.
Sabi ni Defense Secretary Gibo Teodoro wala pang ginaganap na usapan pangkapayapaan ang pamahalaan at mga rebeldeng komunista. Sana, wala na at huwag na itong ikonsidera.
Noong panahon ng yumaong Presidente Marcos, Sr., nawala ang mararahas na demonstrasyon ng mga radikal na makakaliwa. Ipinakulong ang mga top leaders ng kilusan gaya nina Sison at Jalandoni. Sasabihin ng iba marahil na ito’y dahil sa ipinairal na martial law. Hindi kailangang magdeklara muli ng batas militar.
Ang kailangan ay huwag bigyan ng belligerence status ang mga komunistang rebelde dahil napatunayang wala silang mithiin kundi maghasik ng karahasan. Nang maupo si Cory Aquino, pinalaya niya sina Sison at Jalandoni. Imbes na makipagtulungan upang matamo ang kapayapaan, ang armadong grupong NPA, Sparrow Unit ay nagsagawa ng mga pamamaslang sa tanghaling tapat.
Marami nang administrasyon ang nagdaan at naririyan pa rin ang panunulisan ng mga rebelde. Pumapatay ng kahit inosenteng sibilyan at nangingikil ng salapi sa nga negosyanteng nakatutulong sa pambansang ekonomiya.
Mula sa panahon ni Cory hanggang sa panahon ni Duterte, nagkaroon ng mga peace talks na walang kinahantungang mabuti. Naging oportunidad pa ito para makapaglakbay sa ibang bansa ang mga kalahok na kinatawan ng pamahalaan. Ituring ang mga komunistang nangingikil at pumapatay na ordinaryong kriminal at kung sila ay magkukusang sumuko at magbagong buhay, bigyan sila ng pagkakataon maging bahagi uli ng mapayapang lipunan.