^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Sino ang nagsisindi ng mitsa para magkagulo sa WPS?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Sino ang nagsisindi ng mitsa para magkagulo sa WPS?

BINABALIKTAD ng China ang mga nangyayari sa West Philippine Sea at gustong palabasin na ang Pilipinas pa ang nagsisimula o nag-uudyok para magkagulo. Ang akusasyon ay ginawa makaraang magsagawa ng joint patrol ang Pilipinas at United States sa loob ng tatlong araw (Nobyembre 21-23).

Ang akusasyon ng China sa sinasabing pag-uudyok ng gulo ay mariing pinabulaanan ni Defense Sec. Gilbert Teodoro. Ang akusasyon ng China ay isang malinaw na pagliligaw sa katotohanan. Tanong ni Teodoro, sino  ba ang nag-ookupa sa WPS? Sino ang nanggigipit? Binabaliktad umano ng China ang mga pangyayari at pinalalabas na ang Pilipinas ang nagpapasimula ng kaguluhan. Hindi kailanman nagpapasimula ng gulo ang Pilipinas.

Sinabi naman ni AFP chief of Staff Lt. General Romeo Brawner Jr. na ang isinagawang joint maritime at air patrol ng Pilipinas at U.S. ay hindi upang mag-udyok ng gulo. Ikinuwento ni Brawner na ang China pa nga ang naghahamon ng gulo makaraang buntutan sila ng isang Chinese People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessel habang naglalayag sila 30 nautical miles sa Malampaya gas field facility sa northern Palawan noong Nobyembre 21 dakong alas diyes ng umaga. Ganunman, wala naman daw agresibong aksiyon ang China at naniniwala si Brawner na magpapatuloy na ito. Ibig sabihin, hindi na gagawa ng masamang hakbang gaya ng mga ginawa sa nakaraan na ni-laser ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at binomba ng tubig ang mga nagsasagawa ng resupply mission sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Masyado na ang mga ginagawang paggawa ng mga kakaibang kuwento ng China na ang Pilipinas pa ang lumalabas na lumilikha ng gulo. Hindi lang pala bully kundi sinungaling pa.

Noong nakaraang linggo, nag-usap si President Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ukol sa mga nangyayari  sa WPS katulad ng panggigipit sa mga mangingisdang Pinoy at pagbangga sa Philippine vessel. Nangako raw ang China na gagawa ng mga hakbang para maiwasan ang mga kaguluhan. Sa kasalukuyan, wala pang naiuulat na nambu-bully ang China sa PCG o mga mangingisdang Pinoy. Maaaring may epekto ang pag-uusap ni Marcos Jr. at Xi.

Ipagpatuloy naman ang joint patrol ng U.S. at Pilipinas. Simulan na rin ang joint patrol sa Japan at iba pang bansa. Ito na lamang ang mga paraan para makaiwas sa pambu-bully ng China.

Ipagpatuloy din ang paghahain ng diplomatic protest. Hindi dapat tumigil sapagkat parami nang parami ang mga barko ng China sa bahagi ng Palawan. Parang mga pukyutan na nagkakalipunpunan.

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with