Walang pakialam ang BITAG sa mga patakaran o batas na ipinatutupad ng bawat samahan. Subalit oras na may tema ng pang-aabuso at paglabag ng karapatang pantao, hindi kami nagdadalawang-isip na manghimasok.
Kayo sa Reformed Philippine Guardians Brotherhood diyan sa Mauban, Quezon. Kailan pa naging parte ng isang samahan ang pamimilit at pamamahiya ng isang tao, lalo na inyong kamiyembro?
Baka hindi pa nakaaabot sa inyo sa national office, isang miyembro n’yong traffic enforcer, inirereklamo ang mga opisyales ng Mauban, Quezon Chapter.
Habang nasa trabaho ay sapilitan siyang hinatak upang burahin ang kanyang tattoo, lagyan ng ekis ang kanyang braso. Hindi pa nakuntento, vinideohan at ipinost pa sa Facebook para raw huwag tularan ng ibang miyembro.
Ganito na ba ang sistema ng inyong pagdidisiplina? Hahatakin, pipilitin sa bagay na ayaw niyang gawin at pagkatapos ay ipapahiya sa social media?
Para sa inyong kaalaman, matinding pang-aabuso ito sa kanyang karapatang pantao. Ayon nga kay BITAG Resident Lawyer, Atty. Batas Mauricio, kasong kriminal na grave coercion at cyber crime ang pupuwedeng kaharapin ng mga nasa likod ng reklamong ito.
Anumang paglabag ang ginawa ng miyembro n’yo, may tamang paraan ng pagdidisiplinang angkop at alinsunod sa batas ng bansa. Ito ang ituro n’yo sa inyong mga opisyales at miyembro.
Bukas ang aking tanggapan kung sasagot ang inyong national office. Kung hindi, ayos lang. Tatayo ang BITAG sa nagrereklamo sa kanyang pagsasampa ng kaso.
Kuwidaw kayo diyan sa Mauban, Quezon Chapter, may natatanggap na pagbabanta umano ang nagrereklamo. Nakamatyag kami sa inyo sa BITAG.