Kalusugan ng pag-iisip
Umagal ng 30 oras bago naibaba ang taong umakyat sa poste ng kuryente sa Marikina. Martes ng hapon inakyat ang poste. Mabuti at hindi nakuryente bago pinatay ang nakamamatay na boltaheng dumadaan sa mga linya. Isipin na lang kung nakuryente at nalaglag, baka may tinamaan pa. Doon na siya nagpalipas ng gabi.
May balita na kaya inakyat ang poste ay dahil pinaalis sa lupang iligal na tinitirhan. Kaya pala napakatinding trapik ang sumalubong sa mga motorista sa lugar nito at mga paligid tulad ng Katipunan Ave. at C5.
Noong Sabado naman, isang security guard ang tumalon mula sa flyover ng Meralco Ave. Tumambling pa patalikod at binagsakan ang isang naka-motorsiklo. Milagro at buhay ang tumalon habang nasaktan naman ang naka-motor. Siguro kung walang binagsakang motorsiklo ay patay na siya. Hindi pa alam kung ano ang dahilan ng kanyang ginawa pero dinala na rin sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City para suriin ng mga doktor.
Napakalaking bagay ang malusog na pag-iisip tulad ng malusog na katawan. Ang problema sa pag-iisip ay hindi masyadong natutukuyan, kadalasan hindi napapansin hanggang huli na ang lahat. Dalawang estudyanteng babae ang natagpuang nakabigti sa isang paaralan sa Taguig noong Nob. 10. Trese anyos ang isa habang 15-anyos ang isa.
Ayon sa awtopsiyang ginawa, walang nakitang foul play ang Taguig at Southern Police District pero patuloy pa rin ang imbestigasyon. Kinakausap ang lahat na kilala ng dalawa para malaman kung ano ang dahilan nang pagbibigti.
Mahalaga para sa tao ang suporta ng pamilya at malalapit na kaibigan. Sila ang unang makakapansin kung naiiba na ang ugali at kilos ng tao. Mahalaga ay nakakausap kung ganun na nga ang nangyayari. Kung hindi mapansin at mapabayaan na lang, dito na nawawalan ng pag-asa ang may pinagdaraanan. Madalas sabihin na nasa huli ang pagsisisi. Huwag sanang mangyari ito. Tugunan kaagad kung may mga senyales ng depresyon.
- Latest