Labing-apat na taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang walang awang pinatay. Ang pangyayaring iyon ang pinaka-karumal-dumal na krimen na naganap sa bansa na may kaugnayan sa election. Nahatulan na ang mga “utak” sa massacre— ang pamilya Ampatuan – subalit marami pa rin ang nakalalaya at sa kasalukuyan ay naghahatid ng takot sa mga naulila ng biktima. Hindi alam ng mga kaanak kung mahuhuli pa at makakamit nang tuluyan ang hustisya. Makaraan ang 14 taon, uhaw pa rin sila sa katarungan. Hindi pa ito naisisilbi sa kanila.
Hindi malilimutan ang petsang Nob. 23, 2009. Nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, kasama nila sa convoy ang 32 mamamahayag. Subalit hinarang sila ng 100 armadong kalalakihan at walang awang pinagbabaril. Nang inaakalang patay na lahat, inilibing sila sa isang ipinasadyang malalim na hukay. Pati ang mga sasakyan ay inihulog din sa hukay para maitago ang krimen.
Subalit walang lihim na di nabubunyag. Natuklasan ang mga bangkay at itinuro ang pamilya Ampatuan na nasa likod ng krimen. Sinampahan ng kaso ang mga Ampatuan at 100 iba pa. Noong Disyembre 20, 2019, ibinaba ang hatol sa kanila. Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court kina Datu Andal “Unsay” Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at Datu Anwar Sr. —mga anak ni Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. na isa rin sa mga akusado subalit namatay sa bilangguan bago pa ibinaba ang hatol. Sa kabuuan, walong miyembro ng Ampatuan family ang nahatulan. Mayroon din namang napalaya dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Ayon sa report, marami sa mga kaanak ng biktima ang nangangamba na gantihan sila ng mga nakalalaya pang suspect sa massacre. Marami pa umanong sangkot sa krimen ang malayang nakagagala at anumang oras ay isasagawa ang pagganti sa mga nagdemanda sa kanila.
Matatahimik umano ang kalooban ng mga kaanak ng mga biktima kung mahuhuli at mapaparusahan din ang iba pang kasangkot. Hangga’t hindi naikukulong ang mga sangkot, nasa panganib ang kanilang buhay at hindi sila makadarama ng katiwasayan at kapayapaan.