ANO ba itong kalokohang pinagsasabi ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng munisipyo ng Taytay, Rizal.
Hindi raw sila puwedeng magbigay ng impormasyon kung may lisensiya o wala ang isang inirereklamong negosyo sa kanilang lugar. Ang dahilan, data privacy daw.
Sa lahat naman ng munisipyo’t city hall na nakipag-ugnayan ang BITAG, sa munisipyo ng Taytay, Rizal lang namin narinig ang baluktot na dahilang ito.
Nakapagtataka rin na sa ilang araw na pagtawag ng BITAG sa tanggapan ng BPLO, laging nasa meeting daw ang kanilang hepe. Bilang protocol ay nag-iwan na rin ang BITAG ng contact number at nagpadala ng sulat.
Kayo diyan sa Taytay, Rizal Municipal Hall simple lang naman ang gustong ipaabot sa inyo ng BITAG. May employer diyan sa inyong lugar na nag-hire ng “online sellers” kuno mula pa sa probinsiya.
Subalit pagdating diyan sa Taytay ay ginawang mga all-around muchacho. Waitress sa bar, tagalinis sa gym, taga-alaga ng bata at stylist pa ng may-ari. Ang masaklap pa, natutulog lamang sa karton ang mga pobreng empleyado.
Tanong, may permit ba para magnegosyo ang inirereklamong employer na ito? Kung meron, hindi ba dapat ay may panuntunang sinusunod ang mga negosyante para mabigyan ng prebilehiyong business permit?
Isa sa mga pamantayang ito ay ang pagtrato at pagpapasahod ng tama sa kanilang mga manggagawa. At bilang mga awtoridad, trabaho n’yong pakinggan at alamin kung may katotohanan ang reklamo at disiplinahin ang negosyong ito.
Para magkaalaman, intayin n’yo ang pagdating ng BITAG sa inyong tanggapan. Baka hindi pa nakaaabot kay Mayor Allan Martine De Leon kung paano magdahilan bago magtrabaho ang kanyang mga tao sa ibaba.