ANG gout ay isang pangkaraniwang sakit. Ang sintomas ng gout ay ang matinding pamamaga at pananakit ng mga kasu-kasuan ng mga daliri ng paa, kamay at tuhod.
Para malaman kung gouty arthritis nga ang sakit, kailangang suriin ang uric acid sa isang blood test. Kapag mataas ito, gout ang dahilan ng iyong arthritis. Iba kasi ang gamutan ng gout sa ordinaryong arthritis lamang.
Nakukuha ang gout sa dalawang bagay: (1) Lahi – Namana sa magulang, (2) Pagkain -- Mahilig kumain ng mga pagkaing mataas sa uric acid.
Ano ang pagkaing dapat iwasan ng taong may gout?
Sa mga gulay, iwasan ang pagkain ng asparagus, cauliflower, mushroom at spinach. Mataas ito sa uric acid. Okey lang ang kanin, pero dapat bawasan ang oatmeal at whole grain cereals.
Pagdating naman sa ulam, dito tayo nagkakatalo. Umiwas sa mga lamanloob (bituka, atay, utak, puso at kidneys), sisig, beans, sardines, tunsoy, tamban, dilis, bagoong, tahong at lahat ng klaseng mani. Ang gravy, patis, at lechon liver sauce ay mataas din sa uric acid. At para sa mga alcoholic, umiwas sa pag-inom ng beer at alak kung ayaw mong atakehin ng gout.
Ano na lang ba ang puwede kainin? Puwede naman ang lahat ng gulay puwera sa mga nabanggit ko na. Ang gatas, keso at paminsan-minsan na karne ay pinapayagan din. Ang coffee, tea, gelatin at lahat ng prutas ay hindi bawal sa gout.
Ano ang mga gamot sa gout?
Kapag inatake na ng gout, hindi na sapat ang pagdidiyeta sa pagkain lamang. Kailangan ng maintenance na gamot para bumaba ang iyong uric acid levels sa dugo. Nagrereseta kami ng Allopurinol 100 mg o 300 mg tablet bawat araw depende sa taas ng iyong uric acid. Allurase at Llanol ang mga murang brand names. Mga P5 hanggang P10 ang bawat tableta. Inumin ito araw-araw para hindi umatake ang gout.
Sa oras ng pagsumpong ng gout, nagbibigay kami ng Colchicine tablets, 4 na beses sa maghapon. Puwedeng uminom ng Mefenamic Acid din para sa kirot.
Isang mahalagang tip lang po: Bawal ang Allopurinol tablets habang matindi ang atake ng gout. Inumin lang ang maintenance na Allopurinol kapag humupa na ang sakit pagkalipas ng dalawang araw.