^

PSN Opinyon

Pag-alaga ng kidneys

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

NAPAKAHALAGA ng ating kidneys. Ang kidneys ay tumutulong sa pagtanggal ng dumi ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi. Kapag nasira ang ating kidneys, puwede itong magdulot ng kidney failure at pag-dialysis. Mahal at mahirap ang gamutan sa kidneys at pati dialysis.

Narito ang mga natatanging paraan para maalagaan ang kidneys:

1. Bawasan ang asin sa pagkain – Kailangan ay matuto ta­yong limitahan ang pagkain ng maaalat tulad ng asin, patis, toyo, bagoong at maaalat na isda. Mataas din ang asin ng mga instant noodles, sitsirya at de-lata. Basahin ang “Nutritional Label” para sa dami ng asin/salt. Kung maalat ang sabaw o sarsa ay huwag na itong ubusin. Sa pagluto ng noodles ay kalahati lang ang seasoning o alat na ilagay. Hindi naman bawal ang pagkain ng maaalat, pero bawasan mo lamang. Kapag nasobrahan ang asin o alat sa katawan ay tataas ang ating presyon. At ang high blood pressure ang sisira sa ating kidneys.

2. Limitahan ang protina sa pagkain – Alam ba ninyo na ang pagkain ng sobrang protina, tulad ng karneng baka, baboy, lalo na ang malalaking steak, ay nagpapahirap sa kidney? Oo, tunay po iyan. Kaya nga ang mga may sakit sa kidneys ay nililimitahan ang protina sa pagkain.

Ayon kay Dra. Montemayor, kapag marami ang protinang kinain, kailangang mag-double time ang trabaho ng iyong kidneys. Bilang paghahambing, imbes na parang naglalakad lang ang trabaho ng kidneys, ay tumatakbo ang kidneys kapag marami tayong protinang kinain.

Puwedeng mapagod at masira and kidneys sa katagalan. Dahil dito, hindi pinapayo ng mga doktor ang Atkin’s diet o South Beach Diet na mataas ang protina sa diyeta. Isang balanseng diyeta ang pinaka-healthy:may kanin, gulay, isda at prutas.

3. Gamutin ang high blood pressure – Kapag mataas ang iyong presyon sa 140 over 90, dito na nag-uumpisa ang pagkasira ng kidneys. Gusto ng kidneys ang normal na presyon ng dugo lamang. Bawasan ang alat sa pagkain at uminom ng gamot sa altapresyon.

4. Gamutin ang diabetes – Napakasama ang naidudulot ng diabetes sa kidneys. Sinisira ng diabetes and kidneys at puwedeng magdulot ng kidney failure at pagda-dialysis. Kahit bahagya lang ang taas ng iyong blood sugar (mild diabetes) ay puwede pa ring masira ang iyong kidneys. Wala ito sa taas ng blood sugar, kung hindi sa tagal ng iyong diabetes. Kapag 5-10 taon na ang diabetes, nag-uumpisa nang masira ang kidneys. Dahil dito, kumunsulta agad sa doktor at gamutin na ang diabetes at altapresyon.

5. Limitahan ang paggamit ng pain relievers (gamot sa kirot) – Ang mga pangkaraniwang pain relievers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, at mga mamahaling pain relievers tulad ng celecoxib, ay puwedeng makasira ng kidneys. Kailangan ay limitahan ang paggamit nito sa isang linggo lamang. Pagkatapos ay ipapahinga muna ang kidneys, bago muling bigyan ng gamot sa kirot. Kaya kung ika’y may arthritis, lagyan na lang ng mainit na tubig ang tuhod at gumamit na lang ng paracetamol tablet.

6. Uminom ng sapat na tubig araw-araw – Ang pangkaraniwang payo ng doktor ay ang pag-inom ng walong basong tubig sa isang araw. Makatutulong ito sa pag-iwas sa kidney stones o bato sa bato.

7. Para sa mga taong magpapa-CT Scan o MRI with contrast dye (‘yung gumagamit ng dye na ipinadadaan sa ugat), kailangan nating pangalagaan ang inyong kidneys. Uminom muna ng 1 o 2 basong tubig bago magpa-CT scan o MRI para matulungan ang kidneys na mailabas itong dye.

8. Wala pang basehan ang paggamit ng supplements para sa kidneys – Ayon kay Dra. Montemayor, wala pang supplement na naimbento na napatunayang makatutulong sa kidneys. Sundin lamang ang mga payong naibigay natin at mapapangalagaan na ang ating kidneys.

9. Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C – Ayon kay Dra. Montemayor, hanggang 500 mg lang ng Vitamin C ang kanyang marerekomenda. Ang sobrang vitamin C ay puwedeng magdulot ng kidney stones. At ang kidney stones naman ay puwedeng umabot sa kidney failure kapag hindi naagapan.

10. Magtanong muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot. Magpa-check ng ihi (urinalysis) at dugo (CBC, BUN at creatinine) at kumunsulta sa inyong kidney specialists o doktor. Napakahalaga ng kidneys kaya alagaan ang mga ito.

DOC WILLIE

KIDNEYS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with