Bakit sinuspinde si Bong Nebrija?

Isang kahanga-hangang opisyal ng Metro Manila Deve­lopment Authority si retired Colonel Bong Nebrija. Siya ang hepe ng MMDA Task Force Special Operations na walang sinasantong personalidad.

Hinuhuli ang kahit sinong may traffic violations kahit may mataas na tungkulin sa pamahalaan. Madalas, kahit isa na siyang top official ng MMDA ay siya mismo ang naninita at nanghuhuli ng violators.

Suspendido ngayon ng isang buwan si Nebrija na ang tanging pagkakamali ay inihayag niya na hinuli ng mga ope­ratiba ng MMDA ang convoy ni Sen. Bong Revilla kahit hindi pa kumpirmado na ang convoy ay sa senador nga. Ang vio­lation umano ng convoy ay ang pagdaraan nito sa busway sa EDSA.

Magkasamang nagsadya ni Nebrija at ang chairman ng MMDA na si Romando Artes upang humingi ng dispensa kay Revilla. Nagkaroon ng pagtataas ng tinig ang senador nung una pero nagkapatawaran din.

Sa kabila niyan ay sinuspinde pa rin ng MMDA si Nebrija. Sana hindi na dahil hindi naman ito napakalaking pag­kakamali.

At kung totoo na ang hinuli ng MMDA ay convoy nga ng isang senador, dapat saluduhan si Nebrija dahil ipinatupad ang batas nang walang tinitingnang ranggo. Sabi nga ng kawikaan, nobody is above the law.

Kung ako naman si Revilla, kahit hindi sa akin ang hinu­ling convoy, sasaluduhan ko pa si Nebrija na hindi nangi­ming sitahin ang convoy kahit ipinaalam sa kanya na ito ay sa isang mambabatas.

Noong araw, hinuli ako ng traffic enforcer dahil sa beating­ the red light. Nang makita ang aking press ID sa bintana ng kotse, sinaluduhan pa ako ng pulis at ayaw na akong hulihin. Pero kinuha ko ang aking lisensiya at pilit na inabot sa kanya at wika ko, “officer, nagkasala ako kaya tikitan mo ako.” Kung pati taga-media ay hihingi ng exemption para lusutan ang batas,  ano ang silbi ng pagkakaroon ng batas?

Show comments