Mahigit anim na taon ang binuno ni dating senador Leila de Lima sa kanyang detention cell sa Camp Crame bago pinayagang makapagpiyansa. Gayunman, pansamantala pa rin ang kanyang paglaya sapagkat may isa pang kaso pa siyang didinggin. Sa kabila nito, masayang-masaya si De Lima sa pagkakalaya niya. Bakas sa kanyang mukha ang matinding kagalakan. Ayon sa dating senadora, sa loob ng anim na taon na pagkakakulong wala siyang inasam kundi ang makalaya at makakamit ng hustisya. Napakasakit umano na makulong na walang kasalanan. Umiiyak umano siya na dinggin ang kanyang panalangin. Wala umanong tigil ang kanyang pagdarasal.
Inakusahan si De Lima na kinunsinti at pinabayaan na mamayani sa New Bilibid Prisons ang illegal na droga mula 2013 hanggang 2015 habang siya ang nanunungkulang DOJ secretary. Inakusahan din siya na tumatanggap ng drug money mula sa mga bigtime drug lord sa NBP. Itinanggi ni De Lima ang mga akusasyon at sinabing biktima siya persecution noon ni dating President Rodrigo Duterte.
Bukod kay De Lima, pinayagan din ng Muntinlupa City Regional Trial Court na makapagpiyansa sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Franklin Bucayu, ex-aide ni De lima na si Ronnie Dayan, Joenel Sanchez at Jad Dera. Nag-post sila ng P300,000 bail.
Makaraang makalaya si De Lima, maraming nagsabi na buhay na buhay ang justice system sa bansa. Hindi raw natutulog ang batas sa kaso ni De Lima. Ang katotohanan ang laging mangingibabaw.
Maaring totoo pero hindi mapapasubalian na mabagal ang paggulong ng batas sa bansa. Ang mahigit anim na taon na pagkakakulong ni De Lima ay maikli pa kung maikukumpara sa mga nakakulong na napagbintangan lang. Hanggang ngayon, marami ang nakakulong na wala namang kasalanan. Nagdurusa sila sa kabila na wala namang kasalanan.
Masuwerte si De Lima at nakalaya na sa kabila na nagdusa na siya ng anim na taon. Hindi tumigil si De Lima sa paglaban dahil may abogado siya. Paano ang mga walang abogado at nakapagsilbi na ng 10, 15 o 20 taon sa kulungan na wala naman pala silang kasalanan? Napagbintangan lang sila at ang nakalaban ay makapangyarihan at maimpluwensiya.
Sabi ni De Lima, ayaw daw niyang mangyari sa iba ang nangyari sa kanya na nakulong na wala namang kasalanan. Sa himig ng pananalita ng dating senadora, magsisilbi siya sa iba, magiging tagapagtanggol sa mga itinapon sa kulungan kahit walang kasalanan. Gawin sana ito ng senadora dahil maraming uhaw sa hustisya.