Pasay City, ‘Calixto country’ na!

Mukhang wala nang makapipigil sa pagiging “Calixto country” ng Pasay City. E kung ang Calixto clan naman ang makaa­ahon sa taguring “City of Sin” ang Pasay, dapat suportahan sila, di ba mga kosa? Ang nasa trono kasi ng Pasay City ay si Mayora Imelda Calixto, at ang kinatawan naman sa Kongreso ay ang kapatid na si Rep. Tony Calixto. Ang majority floor leader sa konseho ay si Mark at nanalo naman sa nakaraang BSKE si Boss Prince. Si Mark, ayon sa mga kosa ko, ay balak tumakdong vice mayor sa 2025 elections, samantalang si Boss Prince naman ay sa Liga ng mga Barangay sa Disyembre. Kapag nanalo si Boss Prince, matic na konsehal siya at uupo sa City Council. Get’s n’yo mga kosa? Kung sabagay, wala namang anti-dynasty law kaya karapatan ng mga Calixto na tumakbo sa kahit anong puwesto. At higit sa lahat, ibinoto sila ng taga-Pasay. Period!

Ang pangalan ni Boss Prince ang lumutang sa ni-raid ng POGO sa Willams at Harisson St., kamakailan. Napatunayan ni Undersecretary Gilbert Cruz, ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na “House of Sin” ang building­ dahil may torture chamber ito, may prostitution den at pugad ng iba pang krimen. Totoo bang nag-o-offer ang management ng POGO ng P25 milyon para luwagan ni Cruz ang kaso? Purbidang yawaaa uy! Lumakas pa ang ugong na babalik sa puwesto si ex-Pasay City police chief Col. Froilan Uy at ang 26 na pulis na pina-relieve ni DILG Sec. Benhur Abalos dahil sa kapabayaan. May role kaya si Boss Prince sa pagbabalik ni Uy?

Sa isang banda, sinabi ng mga kosa ko na si Boss Prince ang kinakausap para sa illegal gambling, beerhouse, prostitution dens at iba pang illegal sa Pasay. Si Boss Prince din ang namamahala sa traffic. Magkano…este paano? Ang kapatid naman ng mga Calixto na si Letty ang nagpapagana ng street sweepers samantalang ang anak nito na si Teray ang nasa likod ng video-video kay Mayora Imelda na kumukubra ng P500,000 kada buwan sa budget ng PIO. Ang saya-saya ng mga Calixto ‘no, mga kosa?

Subalit iginiit ng mga kosa ko na magkakaroon ng problema si Mayora Imelda sa 2025 elections kapag itinuloy niya ang pagbasbas kay Boss Prince na tumakbo sa Liga ng mga Ba. Ayaw kasi ng mga kapwa niya barangay chairman kay Boss Prince at may iba silang napupusuan. Kapag tumakbo si Boss Prince, malaki ang posibilidad na mag-breakaway ang mga barangay chairman at baka damputin sa kangkungan ang mga Calixto. Kaya dapat mag-isip ng malalim si Mayora Imelda dahil ang mga barangay chairman ang may hawak ng botante sa kalye. Kapag iniwan sila nito sa ere, goodbye na lang sa pagtawag na Calixto country ang Pasay. Kung sabagay malayo pa ang election at malaki pa ang posibilidad na mabago ang pag-iisip ni Mayora Imelda tungkol sa political career ni Boss Prince. Abangan!

Show comments