Business gone wrong
GASGAS na ang pangakong malaking tubo o doble-kita ng mga nasa likod ng investment scams. Lumang estilo, pero marami pa rin ang naloloko. Mapa-online at personal, may nahuhulog pa rin sa patibong na ito. Kung anu-anong produkto, iba’t ibang serbisyo. At para mas maraming maloko, gumagamit ng mga sikat na personalidad.
Noong nakaraang Linggo, dumating sa BITAG Action Center ang iba’t ibang grupo ng entrepreneurs. Mga GenZ investors na naakit sa physical presentation ng mga negosyong kanila mismong binisita. Ang isa, derma beauty clinics. At ang isa naman, salon and beauty center. Lahat pampaganda, negosyong patok sa mga Pilipino.
Itong Top Coat Nails and Beauty, 60% daw ang pangakong kita sa mga mag-i-invest sa negosyo. Sa usaping legal at sa panuntunan ng Security Exchange and Commission, bawal ito.
Too good to be true ang pangako. Pero dahil may mga kontratang pinapirmahan sa investors, may totoong branches at empleyadong ipinakita, naengganyo ang mga biktima.
Sabayan pa raw ito ng pamimressure ng may-ari na ubusan sa slots investment. Ang hindi nakita ng mga biktima, mga palatandaan na ito’y delikadong transaksiyon—ang bayaran ng pera ay sa mga kilalang resto’t kapehan, wala ring SEC registration ang kompanya.
Sa unang mga buwan, nakamamanghang naibigay ang kanilang mga 60% na kita. Subalit tulad ng inaasahan, tulad ng ibang kuwento ng panloloko, tumatalbog na ang mga chekeng inisyu ng may-ari ng Topcoat.
Hanggang sa nauwi na sa ghosting. Hindi na mahagilap ang may-ari ng magpasyang ipu-pullout na ng mga investor ang kanilang pera.
Ang tanong ng BITAG, bakit hindi nadadala si Juan Dela Cruz sa kabila ng maraming paalala, pagbibigay ng babala at panawagan ng gobyerno, mga alagad ng batas at maging ng media?
Ito ba talaga ay dala ng kawalan ng kaalaman o dala ng pagiging gahaman? Nasilaw sa pangakong instant, doble at malaking porsiyentong kita?
Hangga’t may kumakagat sa patibong ng malaking tubo ng mga manlolokong ito, hindi rin mauubos ang mga biktima. Magpapalit-palit lang ng pangalan, tauhan at estilo ang manloloko. Mag-iiba-iba lang din ang mukha at dahilan ng mga magpapaloko.
- Latest