Leila, biktima ng inhustisya

MABUTI at pinayagan nang makapagpiyansa si dating Senadora Leila de Lima matapos ang pitong taong pagdurusa sa bilangguan dahil sa kasong itinuturing ng iba na hinabi nang maruming politika. Ngunit hindi pa tapos ang laban niya dahil wala pang promulgasyon sa kasong nakasampa sa kanya.

Hindi perpekto si De Lima subalit naniniwala akong tapat siya sa sinumpaan tungkulin bilang opisyal na inihalal ng taumbayan. Marami ang naniniwala na siya ay biktima ng pulitikang labis ang karumihan.

Marami ang may katanungan: kung matibay ang mga kasong isinampa laban sa kanya,  bakit mabagal ang pagbaba ng hatol? Sa paningin ng iba, mukhang sinasadya na pagdusahin nang matagal sa piitan ang dating senadora.

Sana, bilisan ang pag-ikot ng gulong ng hustisya para maibaba na ang karampatang hatol kay De Lima na may kinalaman sa ilegal na droga. Lubhang napakatagal na ng pitong taon para pagdusahin ang isang taong kumalaban sa administrasyong nagsakdal sa kanya.

Si De Lima ay mortal na kalaban ni dating Presidente Duterte kahit noong ang huli ay mayor pa ng Davao City. Bilang isang human rights advocate, inupakan ni De Lima ang mga summary executions na nangyayari sa Davao. Sa pananaw ng marami, hindi lang biktima ng marungis na pulitika si De Lima kundi ng naantalang paggagawad ng hustisya na katumbas ng katarungang ipinagkait.

“Justice delayed, is justice denied” sabi nga ni yumaong President Ramon Magsaysay. Nauna nang pinawalang sala si De Lima sa ibang kasong isinampa laban sa kanya at ang natitira na lamang ay ang tungkol sa droga.

Harinawang ilabas na ng hukuman ang hatol nito para huwag maitanim sa isipan ng mamamayan na ang hustisya sa bansa ay maaaring paikutin ng mga nasa kapangyarihan.

Wala na sa poder si Duterte at si Presidente Bongbong Marcos na ang namumuno sa bansa. Inaasahan natin na ang gulong ng katarungan ay iikot na nang tama.

Show comments