Pulubi, dapat bang limusan?

Likas sa ating mga Pinoy ang mahabagin at hindi nagkakait ng tulong kahit barya-barya lang sa mga lumapit na pulubi. Payo ng Department of Social Welfare and Deve­lopment, huwag silang lilimusan. Lalo lamang daw silang mahihirati sa pagpapalimos.

Pero parang nakaka-guilty kung may maiaabot ka naman ngunit hindi mo ibinigay sa isang taong larawan ng pag­kagutom. Sa kabilang dako,  kapag may nakita kang pu­lubi na may sinisinghot na rugby sa supot, maiisip mo na baka lalo mo silang ibinabaon sa masamang bisyo kung sila ay lili­musan.

Kahit sa pinakamaunlad na bansa ay may nagpapalimos­. Sa U.S., nang minsang dumalaw ako sa mga anak ko roon ay mayroon ding mga “punas boys” na lalapit sa kotse mo kapag nahinto sa trapiko at pupunasan ang windshield kapalit ng kaunting barya.

Mayroon ding mga homeless na natutulog sa mga bangketa. Marahil, hindi nga lang kasinglubha ang problemang ito kumpara sa atin. Ngunit tama ba ang DSWD na huwag silang limusan?

Minsan, naiisip ko na baka nga tama na huwag silang limusan at ipaubaya na lang ang pagtulong sa mga pulubi sa DSWD. May mga pagkakataon kasi na kapag hindi ina­butan ang pulubi, pasikretong kakayurin ng matalas na bagay ang iyong sasakyan.

Minsan, habang papasakay ako sa nakahimpil kong kotse, napansin ko ang maraming 25 centavo coins sa daan na nang pulutin ko at bilangin ay nagkakahalaga ng dalawang­ piso. Tinawag ko ang grupo ng mga batang pulubi upang ibigay ito sa kanila pero ang sabi, sila nga daw ang nagtapon ng mga barya. Ayaw nila ng beinte-singko sentimos. Pina­ka­mababang gusto nila ay limang piso.

Bahagi na yata ng buhay ang karalitaan at ano mang pagsisikap ng pamahalaan, mahirap itong masusugpo. Kung uunlad ba ang ekonomiya wala nang magpapalimos? Palagay ko, mayroon pa dahil ang mga taong ito ay nasanay na sa panghihingi at ito na ang nakamulatang estilo ng buhay.

Show comments