Sampung taon na ang nakalilipas mula nang tumama ang Bagyong Yolanda sa Kabisayaan pero hanggang ngayon, marami pa rin ang walang sariling tahanan at nakatira sa mga lugar na mapanganib. Masyadong matagal ang 10 taon na paghihintay na makatira sa desenteng tahanan pero wala silang magawa kundi magtiis at umasa pa na isang araw mayroon na silang permanenteng tahanan na malayo sa panganib. Isang lugar na hindi aabutin ng daluyong.
Mahigit 6,000 katao ang namatay sa pagtama ng Bagyong Yolanda at ang napuruhan ay ang Tacloban City. Maraming bahay ang nawasak. Lahat nang mga bahay sa baybaying dagat ay nagiba dahil sa mataas na alon na sumagasa. Sa lakas ng hangin at alon, pati ang mga barkong nakahimpil ay tinangay sa dalampasigan.
Ang kabagalan sa pagkakaloob ng bahay sa mga biktima ay matagal nang isyu. Dalawang Presidente na ng Pilipinas—una ang namayapang President Noynoy Aquino at President Rodrigo Duterte ay nag-utos noon na madaliin ang paggawa ng mga bahay para sa mga biktima. Bumuhos din ang tulong pinansiyal mula sa maraming bansa para makabangon ang mga nasalanta. Pero sa kabila ng mga tulong, nananatili pa ring walang bahay ang mga nasalanta.
May mga ginawang bahay ang National Housing Authority (NHA) sa panahon ni President Aquino noong 2014 pero substandard o mahinang klase. Madaling magiba sapagkat sa halip na bakal ang ginamit na patigas sa haligi at pader, kawayan ang inilagay. Ayon pa sa mga residente, wala ring kuryente at tubig sa lugar na tinayuan ng mga bahay.
Sa annual report ng COA noong 2021, sa 212,618 na target housing units sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program at pinamamahalaan ng NHA, 73 percent lamang o 156,219 units ang nakumpleto sa petsang Disyembre 31, 2021. Ang natitirang 56,399 units ay ginagawa pa at ang iba naman ay itinigil ang paggawa at mayroong hindi pa man lang sinisimulan ang konstruksiyon. Ayon sa COA, inilunsad ng NHA ang proyektong pabahay sa Yolanda vicitims noong Agosto 1, 2014. Ipinagpatuloy ng Duterte admin ang housing program subalit marami pa ring Yolanda victims ang walang tirahan.
Noong Miyerkules, inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang NHA na madaliin ang pamamahagi ng housing units at titulo ng lupa sa Yolanda survivors.
Nanawagan din si Marcos sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na bilisan ang pagbibigay ng mga kinakailangang tulong sa mga nabiktima ng Yolanda.
Sana ang kautusan ng Presidente ay magkaroon na ng katuparan. Masyado nang kawawa ang mga biktima ng Yolanda na 10 taon nang nagtitiis.