Pura Luka Vega demandado, Rody Duterte absuwelto

Maraming nagalak sa pagpiit kay drag queen Pura Luka Vega nu’ng Oktubre. Galit kasi ang mga Katoliko, Protestante at Evangelicals sa umano’y pagbastos niya sa Nazareno at “Ama Namin” sa video.

Pero wala ni isang demanda kontra kay Rodrigo Duterte maski lantaran nitong binastos ang iba’t ibang relihiyon nu’ng Presidente siya, 2016-2022. Takot ba ang tao kay Duterte pero hindi kay Pura?

Nob. 30, 2015 unang minura ni Duterte sa publiko si Katolikong Pope Francis. Okasyon: nominasyon niya bilang presidential candidate ng PDP-Laban. “Pope Putang ina ka, umuwi ka na, huwag ka na magbisita rito,” aniya. Limang oras daw siya na trapik nu’ng bumisita sa Manila ang Kinatawan ni Kristo. (Dinig humahalakhak sa background ang nag-video kay Duterte.)

Dis. 27, 2016 nu’ng tawagin ni Duterte na “tae” ang Katawan ni Kristo. Okasyon: pagtitipon ng Davao barangay officials. Paglalait ni Duterte sa wikang Bisaya: “Guapo ka­ayog mga beste, mamili lag…taas taas pang yawa’g Body of Christ, gold ang—ang butangan sang Body of Christ ang ostia, pan-os na. Body of Christ inyong igit [tae niyo].”

Hunyo 25, 2018 sinigaw ni Duterte: “Tanga ang Diyos niyo; ang sa akin maraming sentidokomon.” Nilait niya ang kuwentong Paglikha sa Bibliya, Quran at Torah. Matapos likhain sina Adan at Eba sa Paraiso, kabobohan umanong nag­­lagay ang Diyos ng Ipinagbabawal na Puno. Natukso tuloy sina Adan at Eba na tikman ang Bawal na Bunga, kaya Nalag­lag ang Sangkatauhan. Wala si Satanas sa kuwento niya.

Walang nagpa-impeach kay Duterte nu’n sa paglabag ng Constitutional separation of Church and State. Pinalampas ang kriminal na pag-iinsulto niya sa mga relihiyon. Matataas na acceptance at performance ratings sa kanya ng mga Katoliko, Protestante, Evangelicals, Muslims at Judaists. Kanino ka, kay Kristo o kay Barabas?

Show comments