QC humakot ng parangal

ISA sa mga pangunahin kong programa bilang mayor ay ang paglaban sa plastic pollution sa ating siyudad. Hindi biro ang labang ito, lalo pa’t parte na ng ating buhay ang paggamit ng single-use plastic.

Mahirap man, hindi ako nagdalawang-isip na simulan ang ilang mga programa para mabawasan ang paggamit ng plastic na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagbaha sa ating lungsod. Kabilang dito ang pagbawal sa paggamit ng single-use plastic bags at disposable cutleries, straws, at cups para sa dine-in customers sa restaurants at single-use containers at sachets sa mga hotel.

Inumpisahan din natin ang Trash to Cashback program noong 2021 para makolekta ang plastic na basura sa mga komunidad kapalit ng environmental points (EP) na puwedeng ipambili ng grocery at ipambayad sa utility bills ng QCitizens.

Nakikita na natin ang bunga ng ating programa dahil nabawasan na ang insidente ng pagbaha sa ating lungsod at natuto na rin ang mga residente na gumamit ng refillable bottles at eco bags sa pamimili. Sinimulan na rin natin ang “Kuha sa Tingi” para ilagay na lang sa refillable containers ang mga fabric conditioners at iba pang produkto na nabi­bili sa sachet.

Hindi lang tayo ang nakapansin sa positibong epekto ng programang ito. Kamakailan lang, pinarangalan tayo ng United Nations Environment Programme (UNEP) bilang isa sa UN Champions of the Earth ngayong taon. Ito ang pinakamataas na environmental honor na ibinibigay ng UN kaya naman tayo’y nagpapasalamat sa pagkilalang ito. Tayo ang kauna-unahang elected official na binigyan ng nasabing parangal.

Kamakailan lang, kinilala rin ang ating siyudad bilang 2023 Most Business-Friendly local government unit ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Nakopo rin ng PCCI-QC ang Most Outstanding Chamber para sa NCR at Philippines-City Level. Kinilala rin ang ilang programa ng Quezon City government 2023 Urban Governance Exemplar Awards ng Department of the Interior and Local Government-NCR, kabilang na ang ating kampanya kontra anti-trafficking, Violence Against Women and Children, at ilegal na droga.

Tinanghal naman ang ating Sangguniang Panlungsod bilang regional winner ng 2023 Local Legislative Award na may score na 99.5%.

Nakatataba ng puso ang mga parangal na ito. Palagi kong sinasabi na ang mga pagkilalang ito ay nagsisilbing lakas at inspirasyon natin para gumawa ng mas marami pang makabuluhang programa para sa kapakanan ng ating QCitizens.

Show comments