Ang isda’y nahuhuli sa bunganga. Binulalas ni dating Presidente Rody Duterte sa telebisyon nu’ng Okt. 10 na marami siyang pinatay bilang mayor ng Davao City. Nagbanta rin siya na papatay pa muli.
Dahil du’n hinabla siya sa Manila. Ginamit ding ebidensiya ang video sa kasong extra judicial killings niya sa International Criminal Court. At napahamak pati anak na VP Sara Duterte.
“Ang intelligence fund binili ko, pinapatay ko lahat, kaya gano’n ang Davao,” aniya sa Sonshine Media Network Inc. “‘Yong mga kasama ninyo, pina-tigok ko talaga. ‘Yon ang totoo,” dagdag niya tungkol sa mga suspetsyang komunista.
Pinayuhan pa niya si VP Sara na binabatikos ni Rep. France Castro ng kaliwang Alliance of Concerned Teachers Party-list tungkol sa confidential funds: “Patay kayong mga komunista diyan. Prangkahin mo na ‘yan si France.”
Tinanggal umano ng SMNI ang video. Pero may kopya na nito si dating senador Antonio Trillanes IV, matinding kritiko ni Duterte. Ikinalat niya ito online.
Tinuring ni Castro na banta sa buhay niya ang ginawa ni Duterte. “Dati siyang mabagsik na presidente na maimpluwensya at maraming tauhan,” aniya sa panayam. Kinasuhan niya si Duterte ng grave threats.
Sinumite naman ni Trillanes ang video sa ICC sa The Hague. Nakahabla roon si Duterte dahil sa mahigit 100 EJKs nu’ng mayor siya, Nob. 2011-Hun. 2016. Dagdag ebidensiya, ani Trillanes.
Pangunahing witness sa ICC case si retiradong pulis Arthur Lascañas. Hepe siya ng Davao Death Squad, aniya sa affidavit, at pumatay dahil sa utos ng mayor. Lima umano ang tauhan niya.
Nu’ng mayor si Sara, 2010-2013, kumubra si Lascañas ng P68,000 kada buwan sa ngalan ng anim na ghost employees. Puna ng Commission on Audit noon na 11,000 ang ghost employees ng city hall.