EDITORYAL — Agri smuggling, hamon sa bagong DA Secretary
ISANG taon at limang buwan na hinawakan ni President Ferdinand Marcos ang Department of Agriculture (DA). Maraming nag-akala na hindi na bibitawan ng Presidente ang DA sapagkat sa mismong bibig nito nanggaling na maraming dapat isaayos sa nasabing departamento. Napabayaan umano ito kaya nararapat niyang hawakan muna. Ang DA ang isa sa pinakamahalagang tanggapan sapagkat sumasakop ito sa pagkain na kailangan ng bansa. Kapag hindi naging maayos ang pamamahala sa DA, ang buong bansa ay nasa panganib na magutom.
Sa mahigit isang taon na pinamahalaan ni Marcos ang DA, wala namang ipinagbago at tumaas pa ang presyo ng bigas. Pinangako ni Marcos noong nangangampanya na ibaba sa P20 per kilo ng bigas. Hindi ito natupad. Kailangan pa niyang mag-isyu ng Executive Order para maibaba sa P40-45 ang kilo ng bigas. Ang pagkakaroon ng rice ceiling ay nakaapekto naman sa mga magbibigas dahil mataas ang puhunan nila. Maski ang Presidente, hindi alam kung bakit tumaas ang presyo ng bigas.
Habang nagbabanta ang Presidente na hahabulin ang smugglers/hoarders ng bigas, patuloy naman ang pagdagsa ng smuggled rice mula China, Vietnam at Thailand. Ang mga smuggled rice ay iniimbak sa mga bodega sa maraming lugar sa bansa. Hanggang ngayon wala pang “malalaking isda” na nakakasuhan at ikinukulong dahil sa pag-smuggle ng agri products. May isang nahatulan pero “maliit na isda” lang. Nakilala ang smuggler na si Divina Bisco Aguilar na napatunayang nagpuslit ng carrots mula sa Singapore noong 2020. Hinatulan si Aguilar ng apat na taong pagkabilanggo.
Sinabi naman ng Bureau of Customs (BOC) mayroon na silang sinampahan ng kaso dahil sa rice smuggling. Tatlong rice smugglers daw sa Balagtas, Bulacan na sinalakay noong Agosto 30 ang kanilang kinasuhan. Tatlong malalaking bodega ang kanilang ni-raid na naglalaman ng 202,000 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P505 milyon.
Ngayong ipinapasa na ni Marcos ang responsibilidad sa bagong Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., maraming umaasa at nananalangin na magkakaroon na ng pagbabago sa departamento. Itinalaga ni Marcos si Laurel noong Biyernes. Sinabi ni Marcos na malaki ang maitutulong ni Laurel sapagkat marami na itong karanasan. Si Laurel ang may-ari ng Frabelle Fishing Corporation. Bahagi rin siya ng Private Sector Advisory Council na tumutulong sa pamahalaan para sa seguridad ng pagkain.
Naniniwala kami na magagampanan ni Laurel ang tungkulin sa DA at sa pamamagitan niya, darami ang pagkain sa hapag ng Pilipino at matitigil na ang smuggling ng agri products. Kalingain din ang mga magsasaka.
- Latest