DUMARAMI ang mga oportunistang nagpapautang. Isantabi muna natin ‘yung mga balahurang Online Lending Application (OLA).
Ang tinutukoy ko, ‘yung mga lehitimong lending firms at cash loan assistance agencies. Nagiging desperado sa pagpapautang ng mga gipit at nangangailangan.
Oo nga, sila ang nilalapitan at hindi sila namimilit. Eto ang ginagamit nilang patibong para tuluyang mabaon sa kagipitan ang nangungutang.
Isa sa mga kondisyones, ang pagkakaroon ng co-maker or guarantor sa pangungutang. Ang siste, inaaprubahang co-maker ‘yung mas lalong gipit pa sa nangungutang.
Tulad ng isang 49-anyos na inang nakausap ko sa BITAG Action Center ng nakaraang Linggo. Ang kanyang anak, nangutang ng pang-placement fee para magtrabaho sa abroad.
Ang problema, nang makaalis na papuntang Saudi Arabia ang anak, binlock ang sariling ina at tinakbuhan ang kanyang utang.
Napakabastos na anak!
Mantakin n’yo, P5,000 kada buwan ang dapat na bayaran sa lending company pero ang kita ng ginang bilang labandera ay malaki na ang P1,000 kada linggo.
Nakaaawa na nakakagalit. Oportunista, desperado ang lending firm na nagpautang. Kung iisipin, bakit papayag ang isang lending company na maging co-maker at guarantor ang isang pobreng labandera?
Sabi nga ni Manila 5th District Representative Irwin Tieng, kung pasok sa kuwalipikasyon ang nangungutang, bakit kakailanganin pa ng co-maker at guarantor. Ito ang nasasaad sa kanyang ipinanukalang batas na House Bill 7076 o “No Co-maker Act of 2023.”
Naniniwala ako na ang panukalang batas na ito ang puprotekta hindi lang sa mga biktimang guarantor kundi maging mga lending institutions mismo na target ng mga utangero’t utangera na hindi marunong magbayad.
Tanong: Paano mababayaran ng inang labanderang nagco-maker ang utang ng kanyang nagtatagong anak? Kung walang paraan, hindi niya talaga mababayaran.