Laban kontra kanser, laban ng komunidad (Part 1)
“There can be life at the end of the cancer journey: the prerequisite is early detection and swift medical action.”
Ito ang sinabi ng Amerikanang aktres na si Ann Jillian na noong 1985 ay na-diagnose na may breast cancer. Bilang cancer survivor, patuloy niyang ibinabahagi ang kanyang kuwento para ikampanya ang laban sa breast cancer.
Nasa 27,000 na mga bagong kaso ng breast cancer ang naiuulat taun-taon sa Pilipinas, at sa mga nakaraang pag-aaral, ang ating bansa ang isa sa may pinakamataas na bilang ng namamatay sa breast cancer sa Asya.
Ngunit matapos kong maging bahagi ng inorganisa ng Swiss Chamber of Commerce of the Philippines na 5-part roundtable discussion (RTD) series ukol sa breast cancer, masasabi kong may pag-asa pa rin. Ang susi ay ang early detection o maagang pagkakadiskubre sa sakit.
Yun nga lang, ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, madalas huli na ang lahat pag nadidiskubre ang kanser dahil sa problemang pinansiyal.
Dagdag pa ni Dr. Corazon Ngelangel, Presidente ng Philippine Cancer Society, ang kakulangan sa kaalaman, late diagnosis, hindi sapat na access, at mababang screening rate ang mga dahilan ng pagdami ng advanced cancer stages, na humahantong din sa mas mataas na bilang ng namamatay at morbidity.
Bukod sa problemang pinansiyal, itinuro ni Dr. Ngelangel na ang pasanin ng diagnosis ng pagpapagamot ay patuloy na nakakaapekto sa lahat ng aspeto ng buhay ng pasyente, pisikal man at emosyonal.
Ibinahagi naman ni Dr. Buenaventura “Bill” Ramos, dating pangulo ng Philippine Society of Medical Oncology, na ang kanser ay may taglay na stigma ng magastos na gamutan at mababang tsansa na makaligtas. Kaya nauuwi ito sa mababang morale ng pasyente kaya wala na siyang ganang magpagamot pa.
Ngunit kapag mayroong emosyonal at komprehensibong suporta, mas madaling mahihikayat ang mga taong magpasuri at magpakonsulta.
Mahalagang papel ang ginagampanan ng mga talakayan ukol sa cancer at mga isinusulong na adbokasiya sa pagbuo ng cancer care sa Pilipinas. Ang mga talakayang ito ay hindi lamang nagpapataas ng kamalayan tungkol sa kahalagahan ng early detection at paggamot, ngunit mayroon ding itong malalim na epekto sa iba't ibang aspeto ng cancer care.
Bukod dito, ang ating pampublikong diskurso at adbokasiya ay may kapangyarihan ding maimpluwensyahan ang mga patakaran ng pamahalaan. Bilang tugon sa lumalaking pangamba ukol sa breast cancer, naglaan na ang ating bansa ng resources at bumuo ng mga batas na tumutugon sa mga partikular na pangangailangan ng cancer patients. Isa na rito ang National Integrated Cancer Control Act na mas nagbibigay ng access sa screening at treatment facilities, at nagpapalawak ng saklaw ng health insurance para sa mga gastos na may kaugnayan sa cancer.
Sa lahat ng ito, importante ang health literacy para sa pagpapakalat ng kaalaman sa publiko ukol sa kanser. Ang mas malawak na kaalaman ay hahantong sa mas malaking tsansang magpasuri nang maaga, magtanong, at umaksyon.
Sa RTD ay binibigyang-diin din ang kahalagahan ng pagkakaroon ng healthy lifestyle.
Sa pagtatapos ng RTD, isang panawagan sa pagkilos ang inilatag ni Kara Alikpala, ang Founding President ng ICanServe Foundation at Vice President for Internal Affairs ng Cancer Coalition of the Philippines. Hinihikayat ang lahat na sumama at makilahok para makamit ang target na itinakda ng Global Breast Cancer Initiative ng World Health Organization (WHO), kabilang ang: (1) ma-diagnose ang hindi bababa sa 60% ng mga kaso ng breast cancer sa pagitan ng stage I at II; (2) komprehensibong pagsusuri sa loob ng 60 araw, at (3) maisailalim sa agarang gamutan ang 80% ng mga pasyente at makauwi sila sa kanilang tahanan.
Sa huli, lahat tayo ay may pananagutang pagaanin ang pasanin ng mga pasyenteng may kanser at kanilang mga pamiya, lalo na’t sa dami ng mga may kanser, malamang ay may kakilala o malapit tayong kaibigang mayroon nito. Kaya bilang support group o mga taong pinakamalapit sa cancer patients, tayo ay may pribilehiyong tulungan ang ating kapamilya, kaibigan, at mahal sa buhay na gawin ang unang hakbang tungo sa early detection o maagang pag-diagnose ng breast cancer.
___
You can follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected]. Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon, Monday) and on Jeepney TV every Saturday at 5 p.m.
- Latest