GENERALLY peaceful daw ang katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan elections, anang Philippine National Police. I’ll take that statement with a grain of salt.
Maraming insidente ng pamamaslang ang naganap na ang mga biktima ay yaong mga nagwaging kandidato. May mga nakaligtas at mayroong sinawing-palad na mamatay.
Bukod diyan, si Presidente Bongbong Marcos ang nagpahayag ng pagkadismaya sa talamak na pandaraya sa eleksyon. Barangay election pa lang iyan e, madugo na at lipos ng pandaraya at karahasan.
Ayon pa sa balita, may isang governor at 13 mayor ang sinisiyasat sa kaso ng pamimili ng boto. Manipulado talaga ng mga lokal na opisyal ang halalang pambarangay.
Dapat, pulos bata nila ang nakaupo sa barangay na kanilang nasasakupan. Ito ay para siguruhing buo at matibay ang kanilang political machinery para tumatag ang kanilang posisyon.
Ang hirap diyan, ang konsepto ng Sangguniang Kabataan para hubugin para maging matitinong leader ang mga kabataan ay nasisira. Bata pa lang ay nabibilad na ang mga kabataan sa marungis na pulitika.