Illegal na e-lotto, nakatago sa STL!

ANG mga illegal na e-lotto games ay nakatago sa palaro ng Philippine Charity Sweepstakes Office na Small Town Lottery (STL). Kaya sa biglang tingin, hindi mapapansin­ ito ng kapulisan dahil, tulad ng e-sabong online ang tayaan­. ‘Ika nga, ligtas ito sa huli dahil walang monetary bets. Get’s n’yo mga kosa?

Sinabi ng gambling expert na ang nasa likod ng pagpatakbo nitong e-lotto ay mga dating behind din sa e-sabong, na napahinto ni President Bongbong Marcos bu­nga sa kaso ng 34 missing sabungeros. Nag shift ang grupo sa e-lotto para tuluy-tuloy ang pasok ng limpak-limpak na salapi sa kanilang kaban. At ang gobyerno ni BBM ay nganga! Tsk tsk tsk! Ano ba ‘yan?

Iminungkahi ng mga kosa ko na kunin ni PCSO General Manager Mel Robles si Joseph Lumbad, ang IT expert ng gambling lord na si Charlie “Atong” Ang bilang sulsultant …este consultant, kung nais niyang tuluyang wasakin ang e-lotto. Kung matahimik na napatakbo ni Lumbad ang e-sabong na walang reklamo, abayyyyy t’yak malalaman niya kung sinu-sino ang nasa likod ng e-lotto. ‘Ika nga, alam ni Lumbad kung paano ang gagawin para mapatigil ito. Dipugaaaaa!

Kaya lang minalas at napahinto ang e-sabong dahil sa insidente ng 34 missing sabungeros, na patuloy pa din ang moro-moro sa kaso. Mismooooo! Hehehe! Nililinaw ng mga kosa ko na walang kinalaman si Boss Atong dito sa e-lotto dahil ang dating mga bata niya ang nasa likod nito. Kapag nabanggit kasi ang pangalan ni Boss Atong sa e-lotto, tiyak sarado kaagad. Tumpak!

Sinabi ni Robles na ang e-lotto operations, na nagnakaw ng P4.7 bilyon sa PCSO, ay nag-ooperate sa Cebu at Quezon­ City. Totoo kaya na iisa lang ang may-ari ng STL fran­chise sa Cebu at Quezon City. Mautak din si Robles at hindi niya binanggit kung ang management ng STL sa Cebu at Quezon City ang nasa likod ng e-lotto. Marami pang STL operators ang tinatarget ni Robles na kasuhan. Bingo! Hehehe! Huli kayo balbon!

Nitong Martes, kinasuhan ni Robles ang owners at directors ng kompanyang Paymero, Eplayment, GlobalCom RCI at Blockchain, na nasa likod ng operations ng Pakilotto at Sukilotto dahil sa pagnanakaw ng P4.7 bilyon sa PCSO. Ang tatlong kompanya ay nakasuso sa Eplayment, aniya. Ang apat na kompanya, ani Robles, ay hindi ahente at hindi rin konektado sa PCSO. Subalit ginagamit ng mga akusado ang PCSO name at logo, lalo na sa kanilang palarong Lotto 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49 at Grand Lotto 6/55. Walastik! Panay bukol pala ang inabot ng PCSO dito sa apat na kompanya, ‘no mga kosa? Dipugaaaaa!

Ayon sa pananaliksik ng NBI sa Securities and Exchange Commission, ang Eplayment ay na-incorpiorate nitong March 22, 2019. Nakalista na incorporators ng kompanya, ay sina Homer Nievera ng Las Pinas, May-I Padilla ng Quezon City, Nina Rita Cinches ng Muntinlupa, Karlos Naidas ng Pasig, at Enciso Espanol ng Quezon City. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Ipinapatugis na ni Interior Sec. Benhur Abalos sa PNP ang e-lotto. Ang suhestiyon ng mga kosa ko kay GM Robles para mahinto na ng tuluyan ang e-lotto ay ipasara ang STL na ginagamit nilang front. Dipugaaaaa!

Abangan!

Show comments