Outpatient mental health sakop na ng Philhealth
Magandang balita ito. Mayroon nang outpatient mental health package ang PhilHealth. Bahagi ito ng pagpapalawak sa serbisyo at benepisyo sa ilalim ng Universal Health Care program ng gobyerno.
Sa programang ito, walang babayaran ang mga pasyente sa minimum standard ng pangangalaga na ipagkakaloob ng accredited providers para dito. Kaya kailangan ng PhilHealth ang karagdagang mental health facilities para mailapit ito sa mga miyembrong nangangailangan ng serbisyong ito.
Kaya nananawagan ang PhilHealth sa mga ito na magpa-accredit na at maging bahagi ng krusada sa pangangalaga ng mental health ng mga Pilipino. Maaaring magpa-accredit sa PhilHealth ang mga Rural Health Units/Community Health Offices, Level 1 at Level 2 hospitals at iba pang pasilidad na ang espesyalisasyon ay mental health.
Sabi nga ng ahensya: “Pagtulungan nating mapagbuti ang mental health sa bansa. Magpa-accredited na bilang Outpatient Mental Health Package provider. “Tinatayang nasa 3.6 milyong mga Pilipino ang may pinagdaraanan sa kalusugang pangkaisipan, kasama na yung bunga ng droga o substance abuse.
Ang gamutan sa karamdamang ito ay mahal, lalo na ang pagkonsulta sa mga psychiatrists. Sa bagong benefit package na ito, babayaran ng PhilHealth ang mga providers ng P9,000 hanggang P16,000 bawat taon depende sa paketeng gagamitin. Kasama diyan ang screening at assessment ng pasyente, diagnostics, 12 follow-up consultations, psychoeducation, psychosocial support, gamot at iba pa.
Napakalaking tulong nito para sa mga kababayan nating may mental health conditions. Congrats sa PhilHealth sa patuloy na paglawak ng serbisyo nito!
- Latest