Kakaibang dagdag-bawas
Noong araw, “no big deal” ang halalang pambarangay. Katulad lang ito ng paghalal sa mga opisyal ng homeowners association. Purely labor of love ang maglingkod bilang barangay officials.
Iba na ngayon. May sahod na ang mga barangay officials at sila ay nagagamit na ng mga nakatataas na local government officials para sa kanilang political agenda. May kanya-kanya nang sinusuportahang kandidato ang local officials.
Kaya seryosohan na ang halalan para sa mga opisyal nito dahil determinadong maluklok sa estado poder ang mga kandidato. May mga dayaan na rin at bilihin ng boto.
Kaya kung may dagdag-bawas ang mga kandidato, dapat magpatupad ng sariling dagdag-bawas ang mga botante. Dagdagan ang pagmamatyag at bawasan ang pandaraya. Ngunit paano mangyayari iyan kung mga botante mismo ang nagbebenta ng kanilang boto?
Sa cyber era, pati ang bilihin ng boto ay dinaraan na rin sa computer system sa pamamagitan ng e-payment. Kaya pati iyan ay tinututukan ngayon ng DILG. Binabalaan ni DILG Secretary Benhur Abalos na parurusahan ang mga kandidatong gagawa ng ganito.
Ang problema, sa hirap ng buhay ngayon ay napipilitang tumanggap ng perang padulas ang ilang kababayan natin para iboto ang hindi karapat-dapat na kandidato. Iyan ang vicious cycle na dapat nang matuldukan.
- Latest