Laman ng balita ang peligrosong pagharang at pagbangga ng mga barko ng China sa mga barko nating nagdadala ng mga suplay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Linggo. At hindi lang isang barko ang binangga kundi dalawa. Ang unang insidente ay sa pagitan nang malaking Chinese Coast Guard at barkong kinontrata ng AFP para magdala ng suplay sa Ayungin. Bahagyang nagkatamaan ang harap ng Chinese Coast Guard at ang likod ng barkong kinontrata. Ano ang ibig sabihin niyan? Hindi ba’t nasa tamang lugar ang barko ng Pilipinas dahil likod na niya ang tinamaan? At dahil may destinasyon naman ang barko natin, hindi ito ang kailangang magbago ng paglayag. Sinadyang tamaan ng mga aroganteng Tsino ang barko natin kasi hindi sila natinag sa mga babala nila.
At ilang minuto lamang ay nagkatamaan ang barko ng Chinese militia at barko ng Philippine Coast Guard (PCG). Siyempre, sa dalawang insidente ay sinisisi ng China ang bansa at inakusahang mga barko natin ang kumilos sa peligrosong pamamaraan. Pero may video ang mga insidente at makikita kung sino ang arogante, bastos at maton.
Natural, naghain na naman ng diplomatic protest sa China dahil sa mga insidente. Pero naghain din ng diplomatic protest ang China sa bansa. Kinondena naman ng ilang senador ang mga kilos ng China sa West Philippine Sea (WPS). Siyempre hindi makikita ang mga pangalan ng mga senador na suportadong-suportado ang China dahil sa dating Presidente ng bansa. Sa tingin ko nga kaya ganyan kumilos ang China sa WPS ngayon ay dahil wala na silang kakampi sa Palasyo. Mas malapit na ang administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos Jr. sa U.S. kaysa sa China.
Suportado naman ng U.S., Canada at ng European Union ang bansa at binatikos ang peligrosong kilos ng China sa WPS. Wala raw legal na basehan ang China para angkinin ang anumang bahagi ng WPS. Ayon naman sa mga eksperto, dapat linawin nang husto ng Pilipinas ang mga alituntuning sakop ng Mutual Defense Teaty (MDT). Pero ilang beses nang sinabi ng U.S. na tutulungan tayo kapag armadong kilos na ang ginawa ng China sa mga militar at pribadong barko o eroplano ng Pilipinas. Ayon kay dating National Security Adviser Clarita Carlos, sinasadya ng China ang mga agresibong kilos na ito dahil nais sukatin ang magiging responde ng U.S. Ganun pa man, masama pa rin para sa ating barko, maging militar o pribado ang mga kilos na ito. Dapat na talagang pag-usapan ang joint patrols ng Pilipinas at ibang kaalyadong bansa sa WPS. Siguradong aatras ang China kapag naganap ito. Paniwala kasi ng China, kayang-kaya tayong sindakin.