Kapag busog, huwag matulog
Huwag matulog ng busog. Baka magkasakit. Huwag nang kumain kapag lampas ng 7:00 p.m. para may panahon ang tiyan na tunawin ang kinain.
Mahihirapan ang trabaho ng tiyan, atay, lapay at puso dahil sa pagtulog habang busog. Mas sanay gumana ang organs ng katawan kapag gising. Kapag natulog na, parang tinatamad din ang organs na magtrabaho. May tinatawag na “circadian rhythm” ang katawan sa pagtunaw ng pagkain.
Posibleng mangyari kung matutulog nang busog:
1. Kapag laging busog, malamang bibigat ang iyong timbang at lalapad ang baywang.
2. Sasakit ang tiyan dahil sa gastric reflux (GERD). Kapag humiga nang busog, posibleng umakyat ang kinain sa esophagus. Maiirita ito at mahapdi ang pakiramdam.
3. Kakabog ang dibdib dahil sa palpitasyon. Kapag busog o mahangin ang tiyan, puwedeng maapektuhan ang vagus nerve at magdulot ng palpitasyon. Mapapansin na madalas mangyari ito kapag busog o stressed.
4. Posibleng magdulot ng stroke ayon sa pag-aaral.
5. Posibleng mamaga ang lapay. Ang acute pancreatitis ay dulot ng sobrang pag-inom ng alak at pagkakaroon ng gallstones. May nagsasabi na ang pagkain ng sobrang matataba at matatamis ay puwedeng makasira sa lapay. Mabuti na hinay-hinay sa pagkain, at umiwas sa pag-inom ng alak.
Tips:
1. Huwag magpakabusog. Kumain ng 5-6 na beses sa isang araw, pero pakonti-konti lang. Ang isang saging, mansanas o pandesal ay puwedeng pangmeryenda na. Sa ganitong paraan, dahan-dahan ang pagpasok ng nutrisyon sa katawan. Mas maginhawa ito sa mga organo ng katawan.
2. Maghintay ng tatlong oras pagkatapos kumain sa gabi bago matulog. Puwedeng tumayo o maglakad ng 10-15 minuto para matulungan ang pagtunaw ng pagkain sa tiyan. May tulong ang “gravity” para bumaba ang kinain.
- Latest