EDITORYAL — Sa mga kuko ni Senyor Aguila

DAPAT palalimin pa ng Senado ang pag-iimbestiga sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na pina­mununuan ni Jey Rence Quilario o mas kilala sa tawag na Senyor Aguila. Hindi ito pangkaraniwang kaso lang sapagkat habang tumatagal, marami pang natutuklasan sa SBSI na ayon na rin sa mga senador na nag-iimbestiga ay isang kulto.

Una itong binunyag ni Sen. Risa Hontiveros sa isang privilege speech at sinabing ang mga miyembro ng SBSI ay sapilitang pinagtatrabaho at ang mga kinikita nila ay kinukuha ng lider na si Senyor Aguila. Nabatid din na ang mga menor-de-edad na babae ay sapilitang pinakakasal sa mga lalaking hindi nila kilala. Inuutusan din daw ni Senyor Aguila ang mga lalaki na gahasain ang kanilang mga napangasawa kung hindi papayag na makipagtalik. Ayon pa kay Hontiveros, ang napagbentahan ng mga ari-arian ng miyembro at binibigay kay Senyor Aguila at ang sinumang susuway ay sinasabihan na hindi makararating sa langit. Marami umano ang nahikayat na magbenta ng ari-arian at namalagi na sa bundok na tinatawag nilang Sitio Kapihan.

Nang imbitahan sa Senado si Senyor Aguila at iba pang lider ng SBSI, nagalit si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa paiba-iba at kaduda-dudang sagot nito kaya na-cite for contempt at ikinulong sa Senado. Hanggang sa kasalukuyan, nakakulong pa sa Senado si Senyor Aguila at iba pa. Nagpapatuloy ang imbes­tigasyon.

Pinakabagong nahalungkat sa SBSI ay ang sapi­litang pagbibigay ng mga miyembrong senior citizens ng kanilang monthly pension para magkaroon ng pondo­. Nabatid na ang mga miyembrong senior citizens ay puwersahang nagdo-donate ng P20 hanggang P1,000 buwan-buwan.

Ang pinakamatindi, pati na rin ang Pantawid Pa­milyang Pilipino Program (4Ps) na tinatanggap ng mga indigent ay puwersahan ding kinukuha ng SBSI upang magkaroon ng pondo.

Sinabi ni Jessie Catherine Aranas, head ng Protective Services Division ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Caraga region, na tatlong senior citizens ang umamin na nagbibigay sila ng donasyon buwan-buwan sa SBSI. Ayon kay Aranas, ang nasabing pondo ay para sa medical needs ng indigent senior citizens, alinsunod sa Republic Act No. 11916. Mali umanong idonasyon ang 4Ps.

Halukayin pa ang SBSI at panagutin ang mga lider nito na mistulang ginagatasan ang mga miyembro. Labag sa karapatang pantao ang kanilang ginagawa kaya nararapat may maparusahan. Alisin ang mga miyembro sa “kuko ni Senyor Aguila”.

Show comments