NANINIWALA ako sa kasabihang “ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.”
Kaya naman bilang bahagi ng selebrasyon ng 84th founding anniversary ng Quezon City, isinagawa natin ang “Katipunan Freedom Trail: Padyak Pabalik sa Kasaysayan” sa pangunguna ng Quezon City Tourism Department (QCTD) at Department of Public Order and Safety Green Transport Office (DPOS-GTO). Tampok sa event ang 20-kilometrong bike trail na dumaan sa mga makasaysayang lugar sa ating lungsod. Sinabayan din natin ito ng pagsusulong ng ating kampanya sa paggamit ng bisikleta para sa malusog na pamumuhay at malinis na kapaligiran.
Parte ito ng ating pangakong mapagaan ang epekto ng climate change, mapaganda ang kalidad ng hangin at mabawasan ang carbon emission sa ating siyudad para sa mahigit tatlong milyong QCitizens. Nasa 500 kalahok ang nakiisa sa ating event, na nagsimula sa Andres Bonifacio Shrine sa Balintawak bago dumaan sa Barangay Apolonio Samson (Barrio Kangkong).
Pumadyak din ang mga kalahok patungong Cry of Pugad Lawin monument sa Barangay Bahay Toro sa Project 8, kung saan ginaya nila ang pagpunit ng “cedula” ng mga katipunero. Nagpatuloy sila sa Melchora “Tandang Sora” Aquino National Shrine sa Barangay Tandang Sora, kung saan sinalubong sila ng mga kamag-anak ni Tandang Sora at ikinuwento ang ambag nito sa tagumpay laban sa mga Kastila.
Huli nilang pinuntahan ang Holy Parish Cross Church sa Barangay Krus na Ligas sa Diliman, na nagsilbing pansamantalang kanlungan ng mga Katipunero. Nagpatuloy ang biyahe ng mga siklista patungong Quezon City Hall kung saan sila tumanggap ng t-shirt, pagkain, bike repair kits, at helmet. Nabigyang diin din sa event ang isinusulong nating QC bike lane, na ngayo’y may haba nang 171 kilometro. Ibinalita ni Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo ang plano nating palawigin pa ito patungong 350 kilometro para mahikayat ang QCitizens na magbisikleta na lang sa kanilang pupuntahan.
Para masiguro naman ang kaligtasan ng mga nagbibisikleta, mahigit 2,000 concrete plant barriers na ang nailagay sa lahat ng distrito ng ating lungsod.
Sa huli, hiling natin na maging aktibo pa ang mas nakararami sa pagbibisikleta para mapabuti ang kalusugan at kapaligiran, at mabisita pa ang mga makasaysayang lugar dito sa Quezon City.