PDAF scam di pa tapos
Kahit convicted na ang tinatawag na “pork barrel scam queen” na si Janet Lim Napoles, hindi pa rin dapat ituring na sarado ang kaso. Kabuuang halagang P10 bilyon ang nagoyo sa mamamayang Pilipino.
Ginamit lamang si Napoles at ang mga kompanya nito sa mga ghost projects na tinustusan kuno ng naturang halaga na nasa pangangasiwa ng ilang tiwaling mambabatas sa Senado at Mababang Kapulungan. Instrumento lang si Napoles ng mga ganid at duhapang na mambabatas.
Nahatulan ng 64 na taong pagkabilanggo ng Sandiganbayan si Napoles dahil sa illegal disbursement ng Priority Development Assistance Fund (PDAF). Siya lang ba na instrumento lang ng kawalanghiyaan ang pagdurusahin?
Hindi na ako babanggit ng pangalan pero nang malaya pa si Sen. Leila de Lima at aktibo pa sa Senado, siya ang nagharap ng demanda laban kay Napoles, dalawang senador at limang kinatawan ng House of Representatives. Kilala na ng taumbayan kung sino sila.
Balik sa kapangyarihan ngayon ang mga mambabatas at si De Lima na kinasuhan ng Duterte government sa droga ang nagdurusa sa PNP Custodial Center. Nasaan ang hustisya?
Wala akong tutol sa sentensiya kay Napoles pero dapat mas mabigat na parusa ang ipataw sa mga utak ng krimeng ito. Sila na inihalal ng taumbayan pero nagpahamak sa bansa sa pandurugas ng salapi ng bayan.
- Latest