Lubos ang ating kagalakan tuwing nananalo ng award ang mga programa ng ating lungsod. Ito’y matibay na pagkilala sa pagkilos ng pamahalaang lungsod para mapagaan ang buhay ng QCitizens bunsod ng mga benepisyong hatid nito sa kanila.
Kamakailan lang, dalawa sa mga programa ng ating lungsod ang umani ng parangal sa katatapos na Galing Pook Award. Nakapasok sa Top 10 ang ating programang Intelligent, Resilient, and Integrated Systems for the Urban Population (iRISE UP) habang finalist naman ang QC Birth Registration Online (QC BRO) ng Civil Registry Department.
Noong 2020, sinimulan ng pamahalaang lungsod ang iRISE UP program para makapagtakda ng baseline data na isinasama sa ating hazards maps.
Kabilang sa mga impormasyong nakakalap ay patungkol sa ulan at baha, at ang lawak ng pinsala na maaaring idulot nito. Mayroon din itong risk maps na nagpapakita ng land use pati na ang lokasyon ng tinatawag na vulnerable sectors, tulad ng mahihirap na residente, matatanda, mga bata at persons with disabilities (PWDs).
Sa pamamagitan nito, madali na para sa mga barangays at mga komunidad na magsagawa ng pre-disaster risk assessment (PDRA) batay sa tamang datos. Ngayon, mas madali na para sa pamahalaang lungsod na alamin ang kahandaan ng mga komunidad at kung kailangan pa nila ng dagdag na tulong.
Malaki rin ang tulong nito pagdating sa pagsususpinde ng klase sa mga paaralan, paghahanda para sa camp management, drainage master planning, social housing, at development planning.
Upang lalo pang mapakinabangan ang iRISE UP, isinama na ito sa operasyon ng QC Disaster Risk Reduction and Management Council at ginawa nang ganap na ordinansa para maging tuluy-tuloy na ang programa. Gagamitin din ang datos na nakuha mula sa iRISE UP para amyendahan ang QC Green Building Code patungkol sa epekto ng climate change.
Bilang lingkod bayan, humuhugot tayo ng lakas at inspirasyon sa mga award na gaya nito upang paigtingin at paghusayin pa ang paglilingkod sa taumbayan na nagbigay ng kanilang tiwala sa ating kakayahan.
Sa mga parangal na ito, napatutunayan na tama ang ating tinatahak na direksyon sa paglilingkod sa ating QCitizens.