Hindi ko batid ang kaibhan ng libel charges na isinasampa ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga mainstream media practitioners, sa cyber crime charges sa mga naglathala ng hard hitting articles sa social media.
Kadalasan, ang libel laban sa mga mamamahayag sa radyo, telebisyon at diyaryo ay nadidismis kung hindi mapatunayang malisyoso ang pagkakasulat ng isang artikulo. Ibig sabihin, may itinatagong personal na galit ang sumulat ng artikulo sa taong tinutuligsa at pawang paninirang walang basehan ang isinulat.
Ang tawag sa mga inilalathalang tuligsa laban sa mga opisyal ng pamahalaan ay privilege information at ang binabatikos ay hindi dapat maging sensitive o balat-sibuyas, datapwat dapat ding bigyang daan ng tumuligsa ang paliwanag o panig nito sa susunod na artikulong isusulat.
Nagsampa ng cyber crime charges si Department of Transportation Secretary Jaime Bautista laban sa top officials ng transport group na MANIBELA na sina Mar Valbuena at Ira Panganiban, dahil sa akusasyong talamak ang katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Si Bautista ang itinuturo nilang nangunguna sa korapsyon.
Sa batas, noong wala pang social media, ang mga lehitimong mamamahayag, kasama na ang mga opinion writers at reporter ay may kalayaan sa pamamahayag. Ginagarantiyahan yan ng Bill of Rights ng Saligang Batas. Ewan ko lang kung ang mga bloggers o nagsusulat ng opinion sa social media saklaw pa rin nito.
Ang masasabi ko lang, kahit sino ang sumulat at kahit saan ito isinulat, huwag mapikon ang tinamaan kundi dapat lang magpaliwanag. After all, may karapatan ang mamamayan na malaman ang bawat kibot ng government officials dahil taxpayers money ang ipinasasahod sa kanila.
Bilang media practitioners, ang mga gumaganap sa propesyong ito ay dapat magsilbing taynga at mata ng sambayanan. Kung walang mass media, tiyak na magpapasasa ang mga kawatan sa pamahalaan dahil walang matang sumusubaybay sa kanila.