NATULOY kahapon ang tigil pasada ng mga jeepney pero hindi tuluyang naparalisa ang transportasyon dahil isang grupo lamang ang nagsagawa nito. Marami pa ring jeepney ang pumasada. Hindi rin naapektuhan ang mga estudyante sapagkat sinuspende ang klase ng mga paaralan sa Metro Manila.
Layunin ng grupong Manibela sa pagdaraos ng tigil pasada na suspendihin ang jeepney modernization na ang deadline ay sa Disyembre 31, 2023. Noon pa dapat nakaraang Marso 31, 2023 ang orihinal na deadline ng modernization pero ipinagpaliban sa Disyembre para makapaghanda ang mga operator sa modernisasyon. Ayon sa LTFRB na 60 porsiyento pa lamang ang nakakasunod sa jeepney modernization.
Noong nakaraang linggo, isang “whistle blower” ang lumantad at sinabing may nangyayaring korapsiyon sa LTFRB kaugnay sa pagbibigay ng prankisa at ruta. Ayon kay Jeff Tombado, humihingi ng P5 milyon si LTFRB chairman Teofilo Guadiz III sa operators. Si Tombado ay dating tauhan ni Guadiz. Makalipas ang dalawang araw, binawi ni Tombado ang akusasyon kay Guadiz. Sinuspende naman ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. si Guadiz.
Sinabi naman ni Senator Grace Poe, na dapat ipagpaliban muna ang jeepney modernization dahil sa sumingaw na katiwalian. Hindi raw makatwiran na mawawalan ng ikabubuhay ang mga driver na maaapektuhan ng modernization. Dapat maimbestigahan ang sumingaw na katiwalian sa LTFRB.
Hindi nararapat ipagpaliban ang pagpapatupad ng jeepney modernization dahil may lumutang na katiwalian. Maari namang imbestigahan ito pero ituloy ang planong modernisasyon.
Para madaling makasunod o makatugon ang operators sa modernization, tulungan ang mga ito ng pamahalaan na makabili ng mga modernong jeepney na abot kaya ang halaga. Kung maaari panatilihin ang anyo ng mga jeepney na naging tatak na sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, ang modern jeepneys ay nagkakahalaga ng P700,000 hanggang P1-milyon. Hindi ito kakayanin ng operators kaya dapat tulungan ng pamahalaan.
Kung matutulungan ng pamahalaan na makabili ng modern jeepney ang mga operator, matutuloy ang modernization. Bakit hindi kunin ang tulong ng mga sikat na jeepney makers na gaya ng Sarao Motors, Francisco Motors, Malaguena Motors at iba pa. Maaring may maiambag sila. Subukan ito ng pamahalaan at baka ito ang susi para magtagumpay ang jeepney modernization.