LABING-ANIM na taon na kinolonya ng Kastila ang Taiwan, 1626-1642. Mula Maynila tinatag nila ang capital na San Salvador sa hilaga ng isla. Naagaw ito ng mga Dutch. Maraming bakbakan at dramang naganap. Nakarsel pa ang Kastilang governor-general sa Maynila nang matalo.
Portuguese na may hawak sa Moluccas ang mga unang Europeans na sumakop sa Taiwan, 1544. Binansagan nila itong Formosa, “Maganda”, dahil sa tanawin mula sa dagat. Isang taon nauna, 1543, pinangalanang Islas Filipinas ni Ruy Lopez de Villalobos ang kapuluang natunton ni Ferdinand Magellan nu’ng 1521.
Nagsimula ang 80-Taong Digmaan ng Dutch at Kastila nu’ng 1566. Pinalayas ng rebelyong Dutch ang kolonyalistang Haring Felipe II ng España. Kasama ang England at France, ni-raid ng Dutch ang ilang kolonya ng España at Portugal sa malayong dagat. Naagaw nila sa Portuguese ang ngayo’y Indonesia at ang kuta sa timog ng Formosa. Paulit-ulit binulabog ang Manila Bay, pati mga sampan at junk ng mangangalakal na Hapon at Chinese.
Nu’ng 1641 nilusob ng Dutch ang kutang Santissima Trinidad ng Kastila sa hilagang San Salvador. Sumaklolo ang mga Kastila mula iba pang kuta. Umatras ang mga natalong Dutch sa Zeelandia sa timog.
Sa Maynila, nagkamali si Kastilang Governor General Sebastian Hurtado de Corcuera. Pinabalik niya sa Pilipinas karamihan ng mga sundalo niya para supilin si Maguindanao Sultan Kudarat. Sumugod muli ang Dutch sa Santissima Trinidad at binihag ang mga konting Kastila, taga-Formosa at mga Kapampangan.
Nagalit ang viceroy ng Mexico, nilitis si Corcuera, at ikinulong nang limang taon sa Maynila. (Nauso noon ang komedyang moro-moro.)
Hinawakan ng Dutch ang buong Formosa. Sinimulan ng England at France paghatian ang Indochina at ngayo’y Malaysia. Pinag-awayan ng España at Portugal ang mga isla sa Pacific.