^

PSN Opinyon

Fil-Am zoomers target pabisitahin sa  ‘Pinas

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Maaaring, dito sa atin sa Pilipinas, ordinaryong buwan lang ito pero, para sa mga Pilipinong naninirahan sa United States partikular yaong mga tinatawag na Filipino American (FilAm), ang Oktubre ay isang okasyon ng paggunita sa pinagmulan nilang lahi at kultura. Ayon sa mga nakalaang impormasyon,  pinasimulan ng Filipino American National Historical  Society noong Oktubre 1992 ang taunang pagdiriwang ng Filipino American History Month. Sinasabi sa Wikipedia na napili ang Oktubre dahil sa ika-18 ng buwan na ito noong taong 1857 dumating ang unang grupo ng mga Pilipino sa Morro Bay, California. Sinasabing, sa mga estado sa U.S., ang California ang may pinakamalaking bilang ng mga mamamayang nagmula sa Pilipinas o may lahing Pilipino sa kasalukuyan. Ang mga FilAm ang pangalawang pinakamalaking Asian American ethnic group sa Amerika at unang dokumentadong mga Asyano na dumating sa U.S.. Marami nang mga Pilipino na sa Amerika na isinilang at lumaki.

Gayunman, noong 2009 lang kinilala ng U.S. Congress ang Oktubre bilang Filipino American History Month sa U.S.. Kasunod ng pormal na pagkilalang ito ang maraming taon ng kampanya at adbokasya ng maraming indibidwal at organisasyon, ayon sa University of Washington. Iba’t-ibang state, counties at cities sa U.S. ang nagpalabas ng mga proklamasyon at resolusyon na nagdedeklara sa paggunita ng FAHM.

Kaugnay nito, isang 28-anyos na  Filipino American na si Shaina Renee Manlangit na nagmamay-ari ng isang marketing agency sa Los Angeles, California, U.S.A.  ang nagsusulong na hikayating bumisita sa Pilipinas ang mga Filipino American na nabibilang sa tinatawag na Generation Z o Zoomers (iyong henerasyon ng mga FilAm na isinilang sa pagitan ng 1997 at 2012 o ang edad ay nasa pagitan ng 11 hanggang 26 anyos).

Ayon sa isang ulat ng Associated Press na dinampot ng South China Morning Post, naging misyon na ni Manlangit na itaguyod ang talent at kultura ng mga FilAm pero noong nakaraang taon lang niya napagtanto na siya mismo ay hindi pa nakakarating sa Pilipinas. Maraming tulad niyang FilAm ang hindi pa nakakabisita sa bansang pinagmulan ng kanilang mga ninuno o mga magulang. Dahil dito, nagpatulong siya sa Department of Tourism (DOT) ng Pilipinas para makapasyal siya dito noong Marso 2023.

“It was a very big cultural shock,” pa-Ingles na paglalarawan ni Manlangit sa unang pagtapak niya sa Pilipinas. “Once I got a taste of it, I just wanted to learn more.” Kumain siya ng mga ng mga lokal na  pagkain, namasyal sa mga lunsod at beaches. Nalaman niya na ang Pilipinas ay isang top diving destination at sinisikap niyang mag-aral ng salitang Tagalog.

Nabatid na nakipag-ugnayan si Manlangit sa DOT para makapagtakda ng isang eight-day tour ng mga Gen Z o zoomer na FilAm sa taong 2024 na lilibot sa Maynila at mga isla ng Cebu at Coron.

Sinasabi sa ulat ng AP na, para sa ilang kabataang Fil-Ams, napakalaking bagay ang idea ng pagbisita sa pinagmulang bansa ng kanilang mga magulang dahil hindi sila pamilyar dito.  Lumalaki silang hinihikayat na ipagmalaki ang kanilang sariling kultura.  Bilang mga Fil-Am young adult, ilan sa kanila ang naghahanap ng kuneksyon sa Pilipinas. Umaasa si Manlangit na ang mga kapwa niya kabataang Filipino American ay tututok sa pagtuklas sa pinagmulan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagbisita sa Pilipinas.

Sinasabi naman ng sociology professor na si Evelyn Ibatan Rodriguez na bahagi ng Philippine Studies Program ng University of San Francisco (California, USA) na wala pa siyang nababalitaang mga pagsisikap ng turismo na targetin ang mga kabataang Filipino American adult pero marami siyang kakilalang college student at college educated na FilAm na interesadong dumalaw sa Pilipinas.

“Ang gusto nila, hindi lang iyong pagbisita sa mga kamag-anak  o maging turista,” wika ni Rodriguez  sa Ingles.  “Sa pag-aaral sa pamantasan na may napakaraming Asian American, parang nagiging ganito sila, ‘teka, merong bagay na maaari kong malaman sa Pilipinas.’ Hindi iyong klase na parang isang kaso ng kawanggawa ang Pilipinas.”

Bukod sa pagbisita sa tinubuang bayan ng kanilang mga magulang o lola at lolo, meron pang ibang gusto ang mga Gen Z na Filipino American na bibisita sa Pilipinas, dagdag ni Rodriguez. “Gusto nilang puntahan ang mga lugar na maaaring hindi glamoroso o photogenic pero merong kahalagahan sa kasaysayan at sa kasalukuyan ng mga mamamayan at lipunang Pilipino.  Gusto nilang makipagbahaginan ng mga kaalaman at idea sa mga   isinilang sa Pilipinas, sa mga artist at lider dito.”

Kabilang sa mga FilAm na sasama sa pamamasyal sa Pilipinas  ang 31 anyos na entrepreneur na si Alexander Martin na isinilang at lumaki sa San Leandro, California. Nakikilala lang niya ang Pilipinas sa pamamagitan ng mga litrato at kuwento ng kanilang pamilya. Tila naging mahirap na isingit ang pagdalaw sa Pilipinas dahil sa eskuwelahan, sports at sa trabaho.

“Nakakakaba ang isiping pumunta sa Pilipinas. Nakakakapagpanatag ng loob na dadalaw doon kasama ng ibang kabataang Filipino American,” sabi ni Martin sa wikang Ingles sa AP / SCMP. “Umaasa lang ako na magiging pamilyar ako sa aking kultura at, kapag pamilyar na, maisasama ko ang anak ko sa mga lugar na ito (sa Pilipinas) na mararanasan ko.”

Masayang-masaya ang kanyang ina. “Kung pupunta kami ng pamilya ko, parang tulad ng pagbisita sa mga pinsan o pamilya roon. Pero, sa biyaheng ito, nagagalak siya na mararanasan ko nang buo ang  Pilipinas,” dagdag ni Martin.

* * * * * * * * * *

 

Email – [email protected]

FILAM

UNITED STATES

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with