Sugpuin ang cervical cancer sa bansa

Ang human papillomavirus or HPV ang kadalasang sanhi ng cervical cancer.

Alam mo ba na dalawa lang ang bakuna kontra cancer?

Isa rito ang Human papillomavirus (HPV) vaccine na nagbibigay proteksyon sa ating katawan laban sa cervical cancer. 

Sa buong mundo, cervical cancer ang itinuturing na fourth most common cancer sa mga kababaihan. Ayon sa World Health Organization, noong 2020, 342,000 ang namatay dahil sa cervical cancer. Bukod pa rito, 90% ng mga ito ay nangyari sa mga bansang low- at middle-income. Nakalulungkot ito dahil kabilang dito ang ating bansa.

Sa Pilipinas naman, ang cervical cancer ang second most common cancer sa mga Pilipina. Taun-taon, halos 8,000 kababaihan ang nagkakaroon nito. Araw-araw, 11 babae ang namamatay dahil sa cervical cancer. Kaya kailangang protektahan ang isa't isa mula sa sakit na ito.

Sa pinakabagong episode ng Okay, Doc, sinamantala ko ang pagkakataong makipag-usap sa mga doktor, pharmacist, at eksperto tungkol sa HPV vaccine. Iisa ang mensahe ng mga eksperto: ang cervical cancer ay maiiwasan, at ang HPV vaccine ay ligtas.

Dahil cancer ang pangatlong pangunahing sanhi ng kamatayan sa ating bansa, halos lahat sa atin, sa kasamaang palad, ay may kakilala na na-diagnose o namatay na dahil sa sakit na ito. Maaaring ito ay isang miyembro ng pamilya, isang kaibigan, o katrabaho. Sa loob ng mga pamilya, kasama sa sakit na ito ang dagdag na pasanin sa paggamot, na maaaring makaapekto sa atin sa emosyonal, sikolohikal, at pinansyal na aspeto. 

Sabi ni Dr. Stephanie Mesina-Veneracion, kahit na iyong mga may sakit na cervical cancer ay maaari pa ring magpabakuna para makatulong sa kanilang paggagamot.  

Puwede nang magpabakuna sa mga botika sa pamamagitan ng mga certified pharmacy vaccinator.

Nilinaw naman ni Dr. Cybele Lara Abad ang mga maling akala tungkol sa pagpapabakuna. Mapagkakatiwalaan ba ng mga Pilipino ang bakuna sa HPV?  "Ang maikling sagot ay oo," pagbibigay diin ni Dr. Abad, dahil ito ay napatunayan nang ligtas at epektibo. 

Idinagdag din niyang binabawasan din ng bakuna ang banta na magkaroon naman ang mga lalaki ng kanser sa reproductive area, gayundin sa bahagi ng ulo at leeg.

Nabibigyan ng libreng HPV vaccines ang ilan sa mga kabataan edad 9-14 sa ilalim ng school-based immunization program ng gobyerno.

Sabi naman ni Philippine Pharmacists Association (PPhA) National Manager Bryan Posadas, inatasan ng Professional Regulation Commission ang PPhA na magdagdag ng training sa kanilang mga miyembro ukol sa pagbibigay ng bakuna.  Kaya ngayon, marami na tayong nakikitang “certified pharmacy vaccinators” sa mga botika na puwedeng magbigay ng bakuna pagkabiling-pagkabili ng mga ito!

“Like in other countries, we wanted to improve the access to make it easier for the public to get their vaccines,” sabi ni Bryan.

Para naman sa mga non-medical professional na gaya natin, marami pang mga paraan upang mabigyan ng kapangyarihan ang mga kapwa natin babae pagdating sa kanilang kalusugan. Puwedeng lumagda sa online petition para sa SolidariTeal na nananawagan sa ating policymakers, mambabatas, at mga lider ng pampubliko at pribadong sektor na bumuo at magpatupad ng mga programa para sa screening, diagnosis, at pagbabakuna laban sa HPV.

Pumirma sa SolidariTeal Petition at tumulong mapigilan ang cervical cancer.

Bilang isang ina, kapatid na babae, tita, at kaibigan, itinuturing kong walang hakbang ang napakaliit sa ating laban para sa isang kinabukasan na walang cervical cancer.

--

Panoorin ang Pamilya Talk sa FacebookYouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments