Mahigit 30 indibidwal at grupo ang umaangkin ng malawak na bahagi ng Upper Marikina Watershed. Tinutumba nila ang mga puno sa gubat. Nagtatayo ng mga mansyon at swimming pool resorts. Tinatapyas ang bundok para gawing graba.
Hindi sila pinatitigil ng Department of Environment and Natural Resources. Kaya lumalakas ang loob nila na paputukan ng baril at bugbugin ang mga nagtatanggol sa natitirang gubat.
Resulta: baha at landslides. Pinipinsala ang milyong tao sa Antipolo, Marikina, San Mateo, Cainta, Taytay, Pasig, Pateros, Taguig, San Juan at Quezon City. Wasak ang mga bahay, tindahan, sasakyan, kagamitan, pananamit, pati photo albums.
“Lot surveys” ang batayan ng pag-angkin ng 30 landgrabbers sa 1,774.71 ektarya. Hindi ito titulo o special patent sa lote. Pero pirmado ito ng mga DENR geodetic enginees, cartographers, technicians at abogado. Land Registration Authority lang ang maaring mag-isyu ng titulo.
Kabilang sa 30 ay dalawang heneral, mga pulitiko at professional squatting syndicates. Inaagaw din nila ang malaking bahagi ng karatig na Kaliwa Watershed Forest.
Sakop ng Baras at Tanay, Rizal ang inaangking lupain. Walang building at occupancy permits ang mga mansyon.
Walang business permits ang isang dosenang malalaki at 29 malilit na picnic resorts. Kinakanalan ang tubig-ilog papunta sa swimming pools nila.
Nu’ng Hunyo 2023 umangal kay President Bongbong Marcos Jr. ang 80 kasapi ng Upper Marikina Watershed Coalition. Pinaasikaso ng Malacañang kay DENR Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang isyu. Walang aksiyon. Patuloy naghahari ang landgrabbers.
Asahan ang mga nakamamatay na baha ngayong tag-ulan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).