Mayor, Imam na pinsan mo, dinorobo mo?
Mula pa Lugus, Sulu, lumuwas pa-Manila ang isang 79-anyos na Imam kasama ang kanyang anak. Niloko umano siya ng kanilang mayor. Kinumbinse raw siya nito na ipagamit ang kanyang 7-ektaryang lupa sa isang kompanya ng minahan.
Sagana sa nickel ang lupang pag-aari ng Imam. Dahil pinsan niya si Mayor na noo’y general manager din umano ng minahan, pumayag siya sa berbal na kasunduan.
Pagbibida raw kasi ni Mayor, milyones daw ang kikitain ng minahan kaya milyones din ang ibabayad kay Imam.
Tinanggap ng Imam ang paunang bayad na P200,000 bilang kabayaran sa 582 puno ng niyog na nakatanim sa lupa nito. Subalit simula May 2021 hanggang sa kasalukuyan, napako na ang mga ipinangako ng mayor.
Maayos na nakipag-usap sa programa ko ang inirereklamong mayor.
Humingi ito ng paumanhin sa ‘di nila pagkakaunawaan ng kanyang pinsan, handa raw siyang solusyunan ang problema.
Dalawang buwan ang lumipas, umiiyak na bumalik sa aking tanggapan ang Imam. Nakipagmatigasan daw si Mayor at tila sinisindak siya nito.
Hoy Mayor Hadar Hajiri, maamo’t maayos kang nakipag-usap sa akin. Ikaw ang nagsabing pabalikin ko ng Sulu ang Imam na nagrereklamo para magkausap kayo nang maayos.
Imbes na tuparin mo ang pangako na pag-uusapan at reresolbahin ang problema, nakikipagmatigasan ka. Sinubukan kitang tawagan muli pero hindi ka na sumasagot. Marahil, Imam lang ang kaya mong sindakin.
Dahil diyan, dito sa kolum na ‘to kita tatawagan ng pansin. Bukas ang aking tanggapan na saguting muli ang reklamong ito.
May ipinayo na ang BITAG sa Imam ng kanyang dapat gawin laban sa’yo. Pag nagkataon, sa Ombudsman ka na magpapaliwanag.
- Latest