EDITORYAL — Hanapin mga nawawalang OFWs sa Israel
HABANG isinusulat ang editorial na ito, hindi pa natatagpuan ang pitong Pinoy na nawawala at pinaniniwalaang dinukot ng mga teroristang Hamas noong Sabado. Isang Pinoy ang kumpirmadong nasugatan sa pag-atake. Ang mga terorista ay sumalakay habang may idinaraos na music festival at walang habas na namaril. Marami sa mga dumalo sa festival ang sapilitang isinakay sa mga truck at ang iba ay binaril. May mga turistang Amerikano at ibang lahi ang sinasabing pinatay.
Nagpakawala ng rocket ang mga terorista at maraming namatay na Israeli. Nagdeklara ng giyera sa Hamas ang Israel at ang sumunod ay ang paglipad ng mga rocket sa kalawakan. Maraming gusali sa Gaza ang napulbos sa walang patid na pagpapaulan ng rocket. Nagbanta ang Israel na mas matindi pa ang daranasin ng Hamas sa mga susunod na araw. Sa pinaka-latest na report, mahigit 1,000 na ang namamatay sa Hamas subalit marami rin sa panig ng Israel.
Ang nakakaawa ay ang mga OFWs na naipit sa labanan na sa kasalukuyan ay hindi malaman kung saan susuling. Nakakatakot daw ang giyera ngayon sapagkat bumabagsak na lamang ang bomba hindi katulad sa nakaraang paglalaban ng dalawang panig na tumutunog ang serena kapag may babagsak na rocket kaya nakapagtatago sa bomb shelter ang mga residente.
Tatlong caregiver ang nakapanayam sa programang Kasalo na nagsabing sobrang takot ang naranasan nila sapagkat kumakatok sa bahay ang mga terorista. Ngayon lang daw nangyari na kumakatok sa bahay-bahay ang mga teroristang Hamas at sapilitang kinukuha ang mga residente para gawing hostage. Ayon sa mga OFWs, nananawagan sila sa pamahalaan na madaliin ang pag-repatriate sa kanila. Hindi umano nila alam ang maaaring mangyari sa mga susunod na araw lalo at sinabi ng Israel na hindi sila makikipag-usap sa Hamas. Nanindigan ang Israel na matitikman ng Hamas ang hinahanap na giyera.
Ang pagkilos ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang inaasahan ng mga OFWs sa Israel. Ayon pa sa mga OFWs, marami sa mga kasamahan nila ang nagkawatak-watak mula nang pumutok ang giyera. Marami sa mga ka-chat group nila ang hindi sumasagot kaya hindi nila malaman kung nasaan ang mga ito.
May mga OFWs umano na nagtatrabaho sa farm ang hindi na malaman ang kinaroroonan. May mga OFWs din napahiwalay sa kanilang employer mula nang magkagulo. Nagkanya-kanya na umanong ligtas ng sarili.
Kailangan ng OFWs ang agarang tulong at sana makagawa ng paraan ang pamahalaan para mahanap ang mga nawawala pa.
- Latest