Wala na sa hulog ang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Mel Robles. Sunud-sunod na ang hindi niya pagsipot sa mga Senate hearing. Tila wala siyang pakialam sa ngawngaw ng mga senador hinggil sa mga isyung ibinabato sa PCSO na may kinalaman sa korapsiyon.
Ang siste, mga abogado ang nagmukhang engot dahil walang diretsong kasagutan sa kiyaw-kiyaw ng mga Senador. Nasa Cebu ako para sa isang rescue operation nang mapanood ko ang Senate hearing last week.
Ang nakatawag ng aking pansin, ay ang sinasabi ng mga abogado ng PCSO na umano’y mga Small Town Lottery (STL) Operators na nagsara dahil hindi na makabayad ng monthly remittance.
Eto raw mga STL operators na ‘to, may malaking pagkakautang pa sa PCSO. Ayon pa sa mga abogado ng PCSO, hindi na raw mahagilap ang mga nagsarang STL operators na ‘to dahil nagtatago na.
Say what PCSO? Ibig n’yong sabihin ay ginulangan, tinakbuhan kayo ng mga STL operators na nagsara at nag-iwan pa nang malaking utang sa inyo?
Hindi ba’t bago bigyan ng prangkisa o lisensiya ang mga STL operator ng PCSO, may daang milyong pisong bond money na ibinabayad ang mga ‘yan. Garantiya ito na sakaling hindi na makapag-remit ang STL operator o Lotto Agent ng quotang inilaan ng PCSO, hindi nila makukuha ang kanilang bond money.
Hindi ‘yung kapag nalugi ay sorry na lang, tatakbo na kami. Kung hindi n’yo mahanap dahil nagtatago, eh ‘di ipitin n’yo, ‘wag ibigay ang bond money. Alam n’yo ito diyan sa PCSO because you wrote the book.
Etong hamon ko kay PCSO General Manager Mel Robles —magpakita ka na kasi sa Senado. Ikaw mismo ang bumakbak sa mga STL operators, magharapan kayo. Aber, sige nga?!