Wala akong inaayawan o hinihindian pagdating sa selfie-han, piktyuran—game na game ako riyan.
Pakiusap ko lang, stop muna ang piktyuran habang tinatawag ako ng kalikasan sa kubeta o habang sumusubo ng pagkain.
Hindi naman sa pagmamayabang, kapag napupunta ako kahit saang pampublikong lugar ay marami ang lumalapit para magpalitrato. Kahit na mismo sa aming BITAG Action Center, uso ang pa-groupie, selfie. Hindi ko na mabilang ang mga natutuwang makasama ako sa kanilang litrato.
Babala, ‘wag na ‘wag n’yo lang gagamitin ang ating selfie para makapanlinlang, makapanloko, makapanlamang o makapang-abuso ng ibang tao.
Tulad nitong isang kolokay na nakarami na pala ng selfie sa akin sa aming tanggapan. Ang litrato naming dalawa, pinost niya lahat sa social media’t ginawang profile at cover photo pa. Ang pinakamasaklap, ginamit niya ang aming mga selfies para makuha ang tiwala ng isa niyang kababayan para pautangin siya ng P130,000.
Pakilala niya, staff ko raw siya’t marami na siyang nasamahang nagrereklamo sa BITAG Action Center na natulungan. Kaya ang biktima, hindi nagdalawang-isip na pautangin si Kulasa.
Makalipas ang ilang buwan, dumating ang singilan. Tulad ng ugali ng ilan na kapag sinisingil na ang inutang, nagkakaroon ng amnesia, parang wala ng kakilala.
Dumiretso na sa aming tanggapan ang nagrereklamo, dito niya nga natuklasang si Kulasa ay hindi ko empleyado. Sa #ipaBITAGmo sa telebisyon habang nasa ere, todo deny si Kulasa. Totoong ginamit daw niya ang selfie photos naming dalawa, pero ‘di niya sinabing BITAG staff siya.
Patuloy akong magbibigay ng babala. Kung may umaaligid sa inyong lugar at nagpapakilalang empleyado ko o ng BITAG at ipinapakita ang aming selfie o picture, ipagbigay-alam agad sa akin.
Laging bukas ang aking BITAG Live Facebook page para ipadala ang inyong report. Ako mismo ang hahanting sa kumag na gagamit ng aking pangalan sa panghuhuthot!