EDITORYAL - Turuan ding magbanat ng buto ang mga maralita
Maraming maralita o ‘yung walang-wala para pagkunan ng ikabubuhay. Sila ang mga tinutulungan ng pamahalaan para makaraos sa araw-araw. Karamihan sa kanila ay may mga anak pang pinag-aaral. Kung hindi sila aayudahan, lalo na silang malulubog sa kumunoy ng kahirapan. Sa kasalukuyan na lalo pang tumaas ang halaga ng bilihin gaya ng bigas, lubhang kaawa-awa na ang mahihirap na ang karamihan ay isang beses na lang kumakain.
Bukod sa Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na dati nang ipinagkakaloob sa mga dukha, naglunsad din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng food stamp program na sinimulan noong Hulyo. Kakaiba kaysa 4Ps, ang mahihirap ay pinagkalooban ng electronic benefit card na naglalaman ng P3,000 na halaga ng mga pagkain. Magagamit ang mga card sa mga awtorisadong tindahan, Kadiwa stores, groceries, at mga maliliit na supermarket.
Ang food stamp program ay may pondong $3-milyon na galing sa Asian Development Bank (ADB) at United Nations’ World Food Programme. Sabi ni DSWD secretary Rex Gatchalian, maglalaan ng pondo ang gobyerno para sa pagpapatuloy ng programa sa mga susunod na taon. Target ng pamahalaan na mabiyayaan ng programa ang isang milyong pamilya na lubhang salat sa pagkain. Nasa 3,000 pamilya mula sa Tondo, Manila; San Mariano, Isabela; Garchitorena, Camarines Sur; at Parang, Maguindanao ang naayudahan ng Food Stamp Program.
Ayon pa kay Gatchalian, hangarin daw ni President Ferdinand Marcos Jr. na malutas ang dinaranas na kagutuman ng nakararaming Pilipino. Target umano ng pamahalaang Marcos ang “Walang Gutom 2027”.
Nang magtungo si Marcos Jr. sa Siargao noong Biyernes, sinabi niya na palalawakin pa ang Food Stamp Program at dadalhin ito sa kasuluk-sulukan ng Pilipinas. Sa mga susunod na buwan umano ay magpapatuloy ang programa at maraming mahihirap ang makikinabang. Namahagi ang Presidente ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na may P3,000 food credits ang may 50 residente ng Siargao. Nagpasalamat ang Presidente sa United Nations’ World Food Programme, Asian Development Bank at French government sa pagbibigay ng pondo.
Maganda ang layunin ng programa subalit mas gaganda pa ito kung matuturuan din ng DSWD ang mga kapuspalad na magkaroon ng sariling pagkakakitaan para hindi habampanahon ay aasa sila sa gobyerno. Kung patuloy ang pagkakaloob sa ilalim ng Food Stamp, mababankarote ang bansa. Hindi naman sa lahat ng panahon ay tutulong ang UNWFP, ADB at iba pa. May hangganan ang pagtulong. Turuan sana ng DSWD ang mga mahihirap na paunlarin ang sarili sa pamamagitan ng pagpapawis. Mula sa sariling pawis kukunin ang kakainin. Turuan silang magbanat ng buto at hindi laging nakasahod ang kamay.
- Latest