Mga batikang abogado binabali-baliktad ang batas

Batikang abogado bago mag-presidente ng Amerika si Abraham Lincoln. Sa harap ng hukom isang umaga masigasig niyang inilaban ang isang panig ng isyung legal para sa isang kliyente. Kinahapunan sa harap ng parehong hukom kasing-sigasig niyang inilaban ang kabilang panig ng parehong isyung legal para ibang kliyente.

Inusisa siya ng hukom: “Paano mo ipababatid ang wastong panig kung magkabila ang inilalaban mo?”

Walang kurap na tugon ni Lincoln: “Your honor, kaninang umaga tiyak akong wasto ang argumento ko. Ngayong hapon mas tiyak akong wasto rin ang argumento ko.”

‘Yan din kaya ang palagay ni Executive Sec. Lucas Bersamin sa isyu ng confidential funds ng Office of the Vice President? Batikang abogado rin siya at dating Supreme Court chief justice.

Nu’ng Hulyo-Disyembre 2022 binigyan ng Malacañang ang OVP ng P221.4 milyon. Legal daw ito, ani Bersamin. Galing ito sa Contingent Fund ng Malacañang para raw sa OVP operations at confidential fund.

Nagulat ang mga menoryang kongresista at senador. Wala namang confidential funds sa 2022 budget ng OVP na ipinasa nu’ng 2021. Ayaw kasi ito ni noo’y VP Leni Robredo. At plantsado na rin lahat ng pondong pang-ope­rasyon ng OVP para 2022.

Labag sa Konstitusyon ang paglipat ng pondo ng Ma­la­cañang sa OVP, ani bar topnotcher Senate Minority­ Leader Koko Pimentel. Katunayan, aniya, si Bersamin mismo ang nagsabi nito kay noo’y President Noynoy Aquino na nag­lipat-lipat din ng pondo nu’ng 2014.

Supreme Court justice noon si Bersamin. Pasya niya: “Paglabag sa Article VI, Section 25(5), ng Konstitusyon at ng doktrina ng separation of powers ang mga ginawa (ni Aquino) – ang pagpondo ng proyekto, kilos at programa na hindi pinaglaanan sa General Appropriations Act.”

Napagbabali-baliktad ng mga batikang abogado ang batas.

Show comments