EDITORYAL — Wala nang confidential funds ang OVP
NARARAPAT lamang na tanggalin ang intelligence at confidential funds ng Office of the Vice President at ilagay ito sa mga ahensiya na lubhang kailangan ang nasabing pondo. Sa mga nakaraan, wala naman talagang ganitong pondo ang OVP at lubhang nakapagtataka kung bakit humihingi nang malaking pondo para rito. Nakakalula ang P650 milyong hinihingi para sa 2024. Pero nang ulanin ito ng batikos, minabuti ng House of Representatives na tanggalin na ang kontrobersiyal na intel at condifential funds.
Ayon sa Kamara ang P650 milyong pondo na hinihingi ng OVP ay ipagkakalooob na lamang sa intelligence budget ng ecurity forces na nangangalaga sa West Philippine Sea (WPS). Sa kasalukuyan, kulang na kulang ang pondo ng mga nangangalaga sa WPS lalo pa’t dumaranas ng pambu-bully ng China. Kung anu-anong panggigipit ang ginagawa ng China Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard at muntik-muntikanang malagay sa peligro dahil sa mapanganib na pagmaniobra. Nakaranas nang bombahin ng tubig. Noong nakaraang linggo, nilagyan ng China ng floating barriers ang Scarborough Shoal. Tinanggal ito ng PCG sa utos ni President Marcos Jr.
Nagkaroon ng kontrobersiya sa confidential fund ng OVP noong 2022 nang madiskubre na ginastos lamang sa loob ng 11 araw ang P125 milyong pondo. Kinuwestiyon ng mga mambabatas kung paano at saan ginamit ang pondo sa loob lang ng maikling panahon. Lumalabas na gumastos ng P11.3 milyon bawat araw ang OVP. Ang pagkakadiskubre sa mabilis na paggastos ay isinapubliko ng Commission on Audit (COA).
Dahil sa nangyaring kontrobersiya, hindi lamang ang OVP ang tinanggalan ng confidential funds kundi lahat ng mga ahensiya at departamento ng pamahalaan na wala namang kinalaman sa pangangalaga sa seguridad.
Ayon sa report, isa sa mga humihingi ng intel funds ay ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na ikinataas ng kilay ng nakararami sapagkat kailangan ba ng intel funds sa pagpapatupad ng trapiko at pagsasaayos ng mga drainages sa Metro Manila? Marahil, ginawang modelo ang OVP kaya nagtangka rin silang humingi ng confidential at intel funds.
Ang pagtanggal sa kahilingang pondo ng OVP ay nararapat sapagkat maaaring gayahin ng iba pang tanggapan. Mabuti at nabatikos ang kontrobersiyal na pondo kaya madaling naputol. Hindi na humaba pa at maaring magbunga pa uli ng kahina-hinalang paggastos ng pera ng bayan.
- Latest