EDITORYAL - Sagipin ang mga bata
Kahindik-hindik ang nabulgar sa Senate hearing sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) noong Huwebes na mayroong 1,587 na mga bata ang nasa bundok na tinatawag na “Kapihan” at hindi pinapayagang makapag-aral. Napag-alaman na ang mga bata na may edad 12 ay hindi marunong sumulat at bumasa. Ang mga bata na umano’y kasama ng kanilang mga magulang na tumira sa bundok ay dumaranas ng mga pagpapahirap kasama na ang pagpapakasal nang maaga sa mga lalaking hindi nila kilala. Ang pinakamasama, ginagahasa pa umano ang mga menor-de-edad ng pinuno ng SBSI na nagngangalang Jey Rence Quilario, alyas Senior Agila.
Ang dinaranas ng mga bata sa umano’y “kulto” ay ibinunyag ng dating miyembro ng SBSI na si Alyas Jane. Ayon kay Jane, noong nakaraang taon na siya ay sumapit sa ika-14 na taong gulang, sapilitan siyang ipinakasal sa kapwa niya miyembro na 18 taong gulang subalit hindi niya ito kilala. Bukod sa kanya, marami pa umanong batang babae at lalaki ang pinapares ng lider ng kulto at sapilitang ikinakasal. Inuutusan din umano ang mga lalaki na gahasain ang kanilang mga asawa sa loob ng tatlong araw matapos ikasal.
Nabunyag din sa hearing na sapilitang pinagsusundalo ang mga kabataang lalaki para makabilang sa tinatawag na “Soldiers of God”. Ang mga ayaw sumunod ay pinarurusahan gaya nang paglangoy sa balon na may dumi at ihi ng tao.
Napag-alaman na maraming miyembro ang nagbenta ng kanilang ari-arian at ang pinagbilhan ay binibigay umano kay Quilario o Senior Agila. May mga guro at pulis na umalis ng kanilang trabaho at sumama kay Senior Agila sa bundok na tinatawag na “Kapihan”.
Nabulgar ang “kulto” nang ang mga tumakas na miyembro ay humingi ng tulong kay Senator Risa Hontiveros. Nag-privilege speech si Hontiveros at ibinunyag ang ginagawa ng SBSI. Nagkaroon ng hearing sa pamumuno ni Sen. Ronald dela Rosa. Sa hearing, sinabi ni Dela Rosa na nagsisinungaling si Quilario at iba pang lider ng SBSI kaya ikinulong sila sa Senado. Taliwas umano ang mga ipinahayag ni Quilario at iba pa sa sinabi ng mga witness. Ipagpapatuloy sa isang linggo ang hearing.
Mga bata ang labis na kawawa sa ginagawa ng umano’y “kulto” kaya nararapat na malaman ang katotohanan at isakdal ang pinuno at mga kasamahan. Labag sa karapatang pantao ang kanilang ginagawa na pati mga bata ay puwersahang pinagagawa ng laban sa kalooban. Hindi dapat mangibabaw ang ganito kasamang gawain. Dapat maparusahan ang mga sangkot.
- Latest