Mayroon na tayong Republic Act 7080 o anti plunder law sapul pa noong Disyembre 13, 1993. Ito’y nagtatadhana ng capital punishment sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na nagnakaw ng P50 milyon o higit pa mula sa kaban ng bayan.
Pero nananatili pa rin ang talamak na graft and corruption sa gobyerno. Parang walang kinatatakutang batas ang plunderers sa gobyerno.
Mga opisyal na nakikipagsabwatan sa mga smugglers at iba pang elementong kriminal sa ikapapahamak ng bayan at mga mamamayan. Yung mga nagpapatong nang malaking markup sa mga binibiling supplies kahit ang mga nabibili at mababa ang kalidad.
Baka kailangan na natin ng mas mabigat na batas. Isang Magna Carta laban sa mga magnanakaw ng kuwarta ng taumbayan.
Kung mayroon pang parusang kamatayan, marami na sanang tiwaling opisyal ang nabitay. Masuwerte sila at abolished na ang death sentence at reclusion perpetua na lang ang pinakamabigat na parusang nag-aabang sa kanila.
Pero sa tatlong dekada na mayroong anti plunder law, wala pa ni isang nako-convict. May mga kinasuhan at nakulong pansumandali pero absuwelto sa dakong huli. Yung iba, balik sa mataas na puwesto sa gobyerno.
Sa tingin ko, kahit bigatan pa ang parusa sa plunder, wa epek din. Ayaw kong isipin na lahat ng nasa gobyerno ay bulok at tiwali kaya kinukunsinti ang bawat isa sa kanilang kabuktutan. Pero iyan ang nabubuong impresyon sa isip nang marami.
Quo vadis Philippines?