Sa ating batas, ang krimen ay tinuturing na asunto laban sa lipunan o sa taong bayan kaya tinatawag na “public offense”. Ang reklamo ay isinasampa ng piskal sa korte. Pero puwede kaya na isang pribadong tao, halimbawa ang biktima, ay makisawsaw sa paglilitis ng kaso kahit hindi siya mismo ang nagsampa ng reklamo? Bakit?
Ito ang tanong na sasagutin sa kaso ni Charito.
Si Charito ay ikinasal kay Bert sa isang seremonyang sibil sa harap ng huwes ng siyudad. Tumagal ng 40 taon ang kanilang pagsasama pero hindi nakatiis si Berto at muling nagpakasal sa ibang babae, si Trining, gamit ang pangalan na “Nardo”. Sa isang huwes sa siyudad din sila ikinasal.
Nang panahong iyon, nasa Amerika na si Charito at hindi siya makabalik ng Pilipinas para personal na sampahan ng reklamo ang kanyang mister. Kaya nagpatulong siya sa dalawang kamag-anak, sina Ben at Willy, para umpisahan nila ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Bert.
Kaya sina Ben at Willy ang gumawa ng sinumpaang salaysay sa harap ng piskalya kung saan nagpakasal sina Bert at Trining. Isang impormasyon ang isinampa sa RTC. Sa arraignment, itinanggi ni Bert alyas Nardo ang anumang pananagutan sa kaso.
Sa umpisa ng paglilitis ay humarap si Andres bilang abogado ni Charito sa ilalim ng kontrol ng piskal na si Gary. Pero nagsampa ng mosyon si Bert para hindi payagan si Attorney. Andres na kumatawan kay Charito dahil daw hindi naman ang misis ang nagsampa ng kasong bigamya at walang kinalaman ang babae sa ginawang sinumpaang salaysay.
Ang argumento niya ay sinuko na daw ni Charito ang karapatan na magsampa ng kasong sibil at kriminal laban sa kanya at kay Trining. Pinagbigyan ng RTC ang mosyon at pinatuloy ang paglilitis na walang partisipasyon ni Attorney Andres.
Kinuwestiyon ni Atty. Andres ang naging pasya ng RTC sa Court of Appeals sa pamamagitan ng isang TRO (Temporary Restraining Order).
Pero sa kabila ng TRO, nagpatuloy ang paglilitis ng RTC at ang pagsusumite ng ebidensiya ng piskalya bago tuluyang binasura ang reklamo ng bigamya dahil sa isinumiteng “demurrer to evidence” ni Bert.
Bandang huli, pinawalang-bisa ng CA ang resolusyon ng RTC na pinagbabawalan si Atty. Andres na makialam sa kaso pati na ang ginawang pagbasura ng reklamo laban kay Bert alyas Nardo. Tama ba ang CA?
TAMA ang CA. Ayon sa Supreme Court, ang bigamya ay krimen na may kinalaman sa publiko. Puwedeng magsampa ng reklamo ang sinuman kahit pa hindi siya ang biktima sa tulong ng piskalya.
At hindi mawawala sa biktima ang karapatan na maghabol ng danyos. Puwede lang ipagbawal sa biktima na makialam sa kasong kriminal kung malinaw niyang isinuko (waiver) ang karapatan na magsampa ng reklamo.
Dito ay walang nangyaring pagsuko dahil ang presensiya ni Attorney Andres ay malinaw na indikasyon ng determinasyon ni Charito na maghabol ng danyos sa mister.
Kahit pa sabihin na nasa ibang bansa na si Charito ay kumuha pa nga ang babae ng serbisyo ng isang pribadong abogado sa Pilipinas para ipakita kung gaano siya kasigasig na maparusahan ang mister sa krimen ng bigamya at para makabawi ng anumang danyos mula kina Bert at Trining.
Si Charito bilang biktima ay binibigyan ng batas ng karapatan na sumali sa kaso sa pamamagitan ng kanyang abogado alinsunod sa Sec. 16, Rule 110- Revised Rules of Civil Procedure (Villalon and Talde-Villalon vs. Chan, G.R. 196508, September 24, 2014).