INSTITUSYON sa Puerto Princesa City si Butch Chase, pilantropo, environmentalist at may-ari ng sikat na Kinabuch resto bar. Light brown ang buhok, blue ang mata, puti ang balat, lahing Russian si Butch. Lumisan ang mga ninuno niya mula sa sariling bansa bago mag World War II sa takot sa Komunistang rehimen. Kinupkop sila ng Pilipinas kung saan isinilang si Butch, na tumulong paunlarin ang Puerto.
Mula Panahon ng Kastila hanggang ngayon maraming dumarayong southern Chinese para maghanapbuhay sa Pilipinas. Sa Davao nu’ng dekada-1930 nanirahan ang maraming Japanese. Nu’ng World War II tinanggap ng Pilipinas ang European Jews na tumalilis mula sa Holocaust.
Dekada-1970 tinanggap sa Bataan at Palawan ang Vietnamese “boat people”. At kasalukuyang tinatanggap ang mga Rohingya refugees mula sa Myanmar civil war. Idagdag pa ang Koreans.
Nakakatulong ang mga dayuhan sa pag-unlad ng mga bagong komunidad nila. Natuto sa kanila ang mga Pilipino ng bagong kultura, putahe, pananamit, awitin, teknolohiya, kagamitan, negosyo.
Nakikiusap ang Amerika na pansamantalang kupkopin ang Afghan refugees mula sa rehimeng Taliban. Kabilang du’n ay mga dating empleyado ng gobyerno at mga kumpanyang Amerikano.
Tinutuligsa ito ni Senator Imee Marcos. Aniya, ginagamit lang tayo ng imperyalistang bansa.
Dapat tulungan ang kaalyadong U.S. Tinulungan nila ang Pilipinas na sugpuin ang teroristang Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah.
Pero maski hindi nakiusap ang Amerika, ituloy sana ng Pilipinas ang pagiging bukas-loob sa refugees. Tandaan na naging pinaka-mayamang ekonomiya ang Amerika dahil sa iba’t ibang lahi roon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).