Nag-aalala ang mga call-center agents. Malamang palitan daw sila ng robots. Hindi hugis tao ang robots na ‘yon, kundi maliit na kahon.
Mura lang paandarin ang call-center robots sa kuryente o baterya. Kaya nito tumanggap ng tawag sa telepono, i-record ang usapan, magsalita ng anumang lengwahe, magtanong at magbigay ng instructions sa tumatawag, pumili ng wastong sagot mula sa nakaprogramang listahan, at mag-log ng lahat ng tawag 24/7.
Hindi nito kailangang mag-coffee break, lunch break, toilet break, day-off, vacation leave, at sick leave. Hindi nagtatampo, hindi nangangatwiran, hindi humihingi ng umento.
Sinumang kapitalista ay pipiliin ang murang robot kaysa mahal na empleyado. Natural sa tao gumamit ng tools na pampadali ng trabaho. Ang caveman ay may pambambo at matalas na bato. Ang sinaunang sundalo ay may espada, sibat, pana, battering ram at catapult. Ang mga layag at sagwan ng barko ay napalitan ng steam, diesel at nuclear engines. Ang mga trabahador sa pabrika ay napalitan ng conveyor belts.
Kung ang skilled workers sa call centers ay mapapalitan ng robots, e ‘di lalo ang manual laborers. Mawawala ang mga barkers na taga-puno ng pasahero sa jeepney. Papalitan ang golf caddy ng kariton na nakaka-kalkula ng layo ng bola at mainam na gamiting golf club. Ang delivery drivers ay papalitan ng aerial drones. Ang mga sasakyan ay magiging driverless, at ang mga barko ay crewless.
Ngayon pa lang ambisyonin na ng kabataan ang mga kursong enhinyero at teknolohiya. Pag-aralan nila ang paggawa ng robot, para hindi sila mapalitan nito. ‘Wag katakutan at sa halip ay unahan ang automation at artificial intelligence. Paghandaan ito ng opisyales sa paggawa, edukasyon at industriya. ‘Yan ang kinabukasan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).